Quantcast
Channel: Maralitang Lungsod – Pinoy Weekly
Viewing all 58 articles
Browse latest View live

Para kanino ang ‘kaunlaran’ sa Sityo San Roque?

$
0
0

Tatlong buwan nang nakahimpil ang kapulisan sa tarangkahan ng Sityo San Roque, Quezon City magmula nang ilabas ang Certificate of Compliance na ipagiba ang kabahayan dito. Nakaantabay sila sa labasan at inuusisa ang bawat pumapasok at lumalabas sa barangay at naghihintay ng utos sa pagigiba sa mga bahay.

Sa lugar na ito ipinapatayo ng Ayala Corp., sa tulong ng gobyerno ng Quezon City at National Housing Authority (NHA), ang Quezon City Business District (QCBD). Tatamaan nito ang Sityo San Roque at apat pang karatig na barangay mula Quezon City hanggang Novaliches. Para raw ito sa “kaunlaran” ng lungsod. Pero para kanino ba ito?

Ate Lourdes ng San Roque. <b>JL Burgos</b>

Ate Lourdes ng San Roque. JL Burgos

Ang sigurado, hindi ito para sa naghihirap kagaya ni Ate Lourdes Jeremias, 22, na taga-San Roque. Isa siya sa namumuno ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) sa lugar na nagnanais na mapatigil ang QCBD sa lugar. Marami sa kanila ang mawawalan ng tirahan. Matagal na silang inaalok ng ayuda-pinansiyal ng NHA P3,000-10,000. Pero ayaw nilang pumayag.

Kamakailan lang, inalok ang mga residente ng P100,000 na ibibigay ng NHA sa araw na pumayag igiba ang bahay ng naninirahan sa San Roque. Ililipat sila sa mga relokasyon sa Montalban o Graceville sa Bulacan. Mahigit 700 pamilya ang pinlanong ilipat sa Bulacan. Pero may mga problema ang mga tao roon. Ani Ate Lourdes, walang tubig o kuryente doon kaya’t maraming nagsibalikan sa dati nilang tahanan sa San Roque.

Nang maayos ang tubig at kuryente sa Bulacan, ayaw na lumipat ng mga tao. Malayo ito sa kanilang hanapbuhay at eskuwelahan na nasa Maynila. Maraming residente ang nagrereklamo sa layo ng biyahe papuntang Quezon City. Para sa kanila, mas mainam na bumalik na lang sila sa dati nilang tinitirhan na malapit sa kanilang trabaho.

Sa gagawing proyekto, matatamaan ang J One at J Two sa Sityo San Roque na gagawing septic tank ng isang condominium malapit roon. Ito’y magiging pangatlong proyekto na natamaan ang kanilang barangay. Nagsimula ito ng 2010 na may mahigit 3,000 pamilya ang naitulak na lumipat sa Montalban, Bulacan. Pero bumalik din ang dating mga residente dahil sa hirap ng buhay doon.

Noong 2013, dumating ang mahigit 70 pulis at 100 demolition workers na nagpaalis ng mga tao sa Agham Road. Kuwento ni Lourdes, nakaranas sila ng pambabato at pag-tear gas. Inilahad niya rin ang paggamit ng baril ng kapulisan na itinutuok sa 11 lider ng Kadamay na inaresto, kinasuhan ng kung anu-ano at ikinulong.

Kabila nito, patuloy ang kanilang paglaban — para sa kanilang karapatan, at para rin sa kaunlarang hindi lang iilan ang makikinabang. “‘Yung pagkilos ng masa at ng mga mamamayan, ‘yan lang talaga ang magagawa namin. ‘Yan ang kasaysayan namin sa San Roque: Tuloy-tuloy na pagpapalago at pagpapalawak ng kampanya para tigil ang demolisyon,” ani Frederico Esindisyo, ang tagapagsalita ng Kadamay.


 


Bigo sa pabahay

$
0
0

Nagkakagirian na ang mga presidente ng bawat purok. Ilang ulit ang kailangang ibawas? Sinu-sino ba ang pasok sa bunutan? Paano nga ba maipaliliwanag sa ibang miyembro na sa ilang taong pakikibaka para sa abot-kayang pabahay, hindi na muna sila makasasama sa pagkuha ng yunit ngayon?

Dito nagtagal ang diskusyon ng mga lider ng Alliance of People’s Organization Along Manggahan Floodway (Apoamf) sa Pasig, gabi ng Hulyo 1. Bukod sa pangunguna sa Manggahan Floodway housing project katuwang ang National Housing Authority (NHA), sila rin ang may mabigat na tungkuling iparating sa ilang miyembro na sa orihinal na 360 pamilya, maaring 180 lang muna ang makapasok sa mga yunit ngayon.

“Kung sino ang pinakaaktibo at mataas sa savings,” ani Bernard Belmonte na presidente ng Apoamf, sila ang paaunahing bumunot ng balota. Kung walang marka, maghihintay na lang muli.

Ikalawang phase na ito sa tatlongbahaging proyektong 2013 pa sinimulan ngunit wala pa sa kalahati ng tinatarget palipating 900 informal settler families (ISFs) ang nabibigyan ng yunit.

Itong proyektong Manggahan Floodway ang isa sa mga pinopondohan ng P50-Bilyong housing fund para sa mga ISFs na nakatira sa mga delikadong lugar malapit sa waterways.

Sinimulan ito noong pamumuno pa ni dating presidenteng Benigno Aquino III. Itinipon ang mga ahensiya tulad ng Social Housing Finance Corporation (SHFC) at Department of Interior and Local Government (DILG), sa pangunguna ng NHA, upang tugunan ang pangangailangan ng bansa sa pangmasa at abot-kayang pabahay.

Sa National Capital Region (NCR) pa lang, ramdam na ang krisis sa disente at murang pabahay. NCR ang tanging rehiyon kung saan tatlo lang sa 10 mahihirap ang may sariling tirahan, ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority noong 2010.

Dagdag pa rito ang kakaharaping 5.7 milyong backlog ng bansa para sa lowcost and socialized housing, ayon sa 2016 Philippine Housing Finance Conference ng National Housing Mortgage Finance Corporation.

“Naka-allocate na ‘yan sa waterways, e bakit inabot na ng dalawang taon? tatlong taon? apat na taon? limang taon pa yung iba?” ani Luz Malibiran, officer-in-charge ng Community Organizers Multiversity (COM), ang nongovernment organization na tumulong sa Apoamf mag-organisa.

Isa sa mga hadlang sa pag-usad ng pabahay ang local government units (LGU) mismo.

“Ang tagal bago mag-isyu ng (building) permit ang LGU, despite that they already issued a letter of support for this project,” giit ni Engr. Felman Gilbang, high density housing program manager ng SHFC. Anim hanggang walong buwan daw bago maaprubahan ng LGU ang permiso.

Dagdag ni Gilbang, mahirap makatugon sa dami ng ISFs na nag-aplay para sa pabahay sa ganitong usad proseso.

Mga yunit pabahay na inokupa ng Kadamay sa Pandi, Bulacan. <b>Shernielyn Dela Cruz</b>

Mga yunit pabahay na inokupa ng Kadamay sa Pandi, Bulacan. Shernielyn Dela Cruz

Lihis sa landas

Higit kasi sa 100,000 ISFs ang itinakdang maging benepisyaryo ng nasabing P50-B housing fund sa loob ng limang taong implementation plan, ayon sa National Anti-Poverty Commission.

Nakasaad rin sa P50-B housing program manual na prayoridad ang pagtatayo ng housing units na on-site, near-city, at in-city. Ito’y upang hindi malayo ang mga residente sa kanilang hanapbuhay.

“Dapat ang komunidad, nandiyan ang kabuhayan mo, ang mga serbisyo,” ani Malibiran.

Sakaling di-maaaring makapagtayo sa nasabing mga iskema, doon pa lang gagawing off-city ang relocation units.

Ngunit batay sa nakuhang datos ng Pinoy Weekly mula sa NHA, mas maraming off-city relocation units ang target maipatayo ng NHA kumpara sa in-city. Sa planong 101,210 yunit, 20 porsiyento lang nito ang in-city. Mas mabilis rin natatapos ipagawa ang off-city units.

Tumanggi magbigay ng pahayag ang NHA tungkol sa proyekto, pero ayon sa SHFC at sa pagkakaalam rin ni Malibiran, idinadahilan raw ng NHA ang murang lupain sa labas ng siyudad. Hindi naman ito mabigyang patunay ng NHA pagkat wala sa kanilang status of subsidy funds kung magkano ang nagastos para sa lupain sa off-city relocation.

Ayon sa SHFC, karamihan sa ISFs na napupunta sa off-city relocation sites ay hindi naman tumatagal sa nilipatan nila.

“Sa NHA, marami (ang bumabalik mula sa off-city) kasi walang tubig at malayo yung kanila,” ani Gilbang.

Ipinagmamalaki naman ng SHFC na wala sa kanilang mga benepisyaryo ang umaalis sa relocation dahil in-city o near-city ang kanilang relokasyon.

“Kaya tinawag na high density, is to maximize the use of the available lands sa Metro Manila, kasi kami, itong project ay sa Metro Manila lang,” paliwanag ni Gilbang.

Maganda lang sa drowing: Artist rendition ng Manggahan Residences I sa Pasig City.

Maganda lang sa drowing: Artist rendition ng Manggahan Residences I sa Pasig City.

Anay sa pabahay

Ayon sa SHFC, isang malaking hadlang din daw sa pagtupad ng proyekto ang kakulangan ng pondong inilalaan para sa iba pang batayang serbisyong panlipunan sa mismong relocation sites.

“Ang issue naman na nakita ko, ang issue of occupancy. Hindi kami makapagpalipat ng tao because of the problem naman ng utilities. Kulang ‘yung budget na binigay sa amin para malagyan ng water and electrical. Ganyan din sa NHA, nanghihingi sila ng separate budget. Kasi what can you use sa 450 loanable eh that includes pa the land acquisition cost,” ani Gilbang.

Ayon kay Gloria Arellano, tagapangulo ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay), kinompirma ng gubyerno ang pagka-“substandard” ng mga residential unit na inokupa ng mga miyembro ng kanilang organisasyon sa Pandi, Bulacan.

“Wala namang titira doon. Itatapon mo na lang parang basura doon (yung mga maralitang pamilya). Wala namang ospital, wala lahat. Sino ‘yung makakatagal doon?” tanong ni Arellano.

Bagamat AFP-PNP Housing ang kanilang inokupahan, hindi kaiba ang sitwasyon nito sa pabahay na nakapaloob sa P50-B housing fund, dahil nananatili pa ring nakabinbin ang mahigit 25,000 housing units in-city at off-city.

Sa katunayan, hirap pa nga ang Kadamay makuha nang opisyal ang mga pabahay na tinanggihan na ng pulis at militar. Ayon kay Arellano, ayaw na rin tumanggap ng LGU ng Bulacan ng relocatees.

Hindi ito iba sa nararanasan ng Apoamf sa Manggahan, kung saan pilit silang pinapapaalis ng LGU sa kanilang tahanan kahit hindi pa tapos ang proyekto at paglipat sa Manggahan Floodway project.

“Taun-taon, may demolition notice,” giit ni Belmonte.

Malinaw na malayo sa pagiging pangmasa ang proyektong pabahay sa bansa. Pinakit ng paliku-likong proseso, at taong ginugugol upang makakuha ng ilang unit, na patuloy ang pangggigipit at pagtalikod ng gobyerno sa tungkulin nitong umagapay sa pabahay ng mamamayang Pilipino.


Featured image: Larawan ni Shernielyn Dela Cruz sa Pandi, Bulacan

Suporta sa pagkilos ng sambayanan

$
0
0

Sa kabila ng mga buladas at pang-iinsulto ni Pangulong Duterte sa mga lider-progresibo at rebolusyonaryo, at pagpapatuloy ng mga kontra-mamamayang patakaran tulad ng batas militar, patuloy naman ang tahimik na pagtrabaho ng mga progresibo sa loob ng kanyang gabinete.

Sa layuning ilapit ang mga programa ng pamahalaan sa maralita, pinangunahan ni National Anti-Poverty Commission (NAPC) Sec. Liza Maza ang paglulunsad ng kampanya para sa mga pangangailangan ng mga mamamayan sa isang komunidad sa Del Pan sa San Nicolas, Maynila.

Kilos Sambayanan (Kilos para sa Sampung Batayang Pangangailangan) ang pangunahing antipoverty agenda ng NAPC na layong pagsasama-samahin ang iba’t ibang ahensiya ng gobyerno na kabilang sa Human Development and Poverty Reduction Cabinet Cluster (HDPRCC) upang tugunan ang kahirapan sa pamamagitan ng multidimensional na pagtingin at rights-based approach.

“Ang kahirapa’y di lang kakulangan sa kita. Ang kahirapa’y ang hindi pagkamit ng isang tao ang mga bagay na bumubuo sa maayos na pamumuhay gaya ng pagkain, tirahan, malinis na tubig, hanggang sa mga oportunidad para sa pagpapaunlad ng sarili gaya ng edukasyon, trabaho, pensiyon, at iba pa,” ani Maza.

Ayon sa Philippine Statistics Authority, humigitkumulang na 20 milyong Pilipino ang nananatiling mahirap at nananatiling kulang ang P491 na minimum na sahod sa Kamaynilaan at mas mababa pa sa mga probinsya habang umaabot sa P1,088 ang tinatayang family living wage.

Laman ng kampanya ang pagtugon sa sampung batayang pangangailangan ng mga mamamayan kabilang ang pagkain at tunay na repormang agraryo, tubig, pabahay, edukasyon, serbisyong pangkalusugan, hanapbuhay, proteksiyong sosyal, malinis na kapaligiran, kapayapaan at pakikilahok ng mga mamamayan.

Tinitingnan ng NAPC na ang sampung batayang pangangailangan ay makakamit sa tulong ng pakikilahok ng mga mamamayan at pakikipagtulungan ng mga ahensiya ng gobyerno upang makalikha ng mga patakaran at programa na makatutugon sa mga karaingan ng mahihirap.

“Ihinahatid natin ang Kilos Sambayanan sa kababayan nating maralita at iba pang napabayaang sektor upang magbuo ng isang kilusang masa na magiging daan sa kanilang paggigiit na makamit ang mga karapatan at pangangailan na dapat ibinibigay ng pamahalaan,” dagdag ni Maza.

Nakiisa rin sa paglulunsad ang iba pang progresibong nasa gabinete kasama sina Agrarian Reform Sec. Rafael “Ka Paeng” Mariano at Labor Usec. Joel Maglunsod. Bagaman di-nakadalo ay buo ring sinuportahan ni Social Welfare and Development Sec. Judy Taguiwalo ang nasabing kampanya ng NAPC.

Para kay Maza, pinakamahalaga pa rin ang pagbubuklod ng mga mamamayan para sa pagsasakatuparan ng kanilang batayang mga karapatan para sa serbisyong panlipunan.

May ulat ni Cynthia Espiritu

 

Demolisyon sa Floodway

$
0
0

Hindi na lang disente at abot-kayang pabahay ang inaasam ng mga-Brgy. Sta. Lucia sa Floodway ng Pasig City. Laban din ito para sa pagtatanggol ng kanilang karapatang pantao lalo na ng kabataan.

Para sa kanila, pinakita ng marahas na tangkang demolisyon ng kapulisan ng Pasig City kung papaano ipinagkakait sa kanila ang ganitong mga karapatan. Sa naturang demolisyon, inaresto ng pulis ang 41 residente at ilang miyembro ng Balikwas Kadamay, kabilang ang 10 menor-de-edad.

Ang kasalanan lang nila: Manawagan para sa kanilang karapatan sa maayos at abot-kamay na pabahay.

Nakipagdiyalogo

Ayon sa mga residente, mapayapa naman ang paggiit nila ng kanilang mga karapatan.

Ginawa nila ang lahat ng legal na paraan para ihapag ang mga hinaing. “Bago pa lang kami magtayo ng barikada, nagpunta na kami kay Mayor (Robert Eusebio ng Pasig) para makipagdiyalogo. Pero pulis ang ipinadala nila sa amin. Pagbalik namin, may mga pulis na sa lugar namin,” ani Maan (di-tunay na ngalan), mahigit 15 taon nang naninirahan sa Floodway.

May matibay na batayan ang kanilang paggiit. Taong 1994, dahil sa paggiit ng mga mamamayang nakatira malapit sa hilaga at silangang bahagi ng Manggahan Floodway (na umaabot mula Rizal hanggang Pasig), naglabas si Pang. Fidel Ramos ng Presidential Proclamation No. 458.

Dito, iniutos ni Ramos ang paglipat ng mga lupain sa Floodway sa pangangasiwa ng National Housing Authority (NHA) para tayuan ng socialized housing para sa mga residente na tulad ng mga nasa Brgy. Sta. Lucia.

Pero taong 2009, nabalitaan nilang babawiin daw ng gobyerno ang lugar. Nag-utos si dating Pang. Gloria Macapagal-Arroyo na gagamitin daw ang lugar para sa “para sa komersiyo.”

Matapos mailabas ang proklamasyong ito, palagi na silang nakakatanggap ng “notice for demolition.” Minsan, nakakatanggap sila nito sa pamamagitan ng sulat. Minsan naman, sa pamamagitan ng tarpaulin na itinatayo sa kanila mismong paligid.

Itataboy sa malayo

Di lubos-maiisip ng mga residente ng Floodway na 40 taon nilang paniniraha’y mauuwi lang sila sa relokasyong malayo sa hanapbuhay.

“Ayaw naming tumira sa sa relokasyon inaalok nila. Sa Laguna pa iyon at narito ang trabaho ng amin. ‘Yung isa namang inaalok nila kahit na mismong gumawa’y sinabi na h’wag kaming titira doon. Isang lindol lang wala na ‘yon,” ani Aling Josie (di-totoong ngalan), 17 taon nang naninirahan sa Floodway.

Isa sa dahilan ng lokal na gobyerno ng Pasig na ang lugar na ito’y kabilang sa “danger zones” dahil malapit sa ilog. Pero pinabulaanan ito ng mga residente. Anila, ilang bagyo na ang dumaan sa lugar—kabilang ang bagyong Ondoy at ilang habagat—pero ni isa’y walang napabalitang namatay o nalagay sa peligro.

Ang lugar pa umano nila ang nagkanlong sa mga residenteng naapektuhan ng mga bagyong dumaan. “Dinadahilan lang nila ang mga danger zone na iyan. Kung bumaha man sa amin, hanggang talampakan lang,” ani Aling Josie.

Kalayaan at pabahay

 Bukod sa 29 naaresto sa mismong pinangyarihan ng kilos-protesta, agad tumaas ang bilang ng mga naaresto sa 41 matapos magsagawa ng “hot pursuit” ang kapulisan sa kalaliman ng gabi.

Kasama sa mga naaresto ang asawa ni Arlene Romero, isang labandera, na si Mang Lito. Si Mang Lito ay ama at ang pangunahing bumubuhay kanyang asawa at limang anak. Pero pansamantalang natigil ang paghahanapbuhay ni Mang Lito sa kanyang pamilya.

“Hindi na nga muna pumapasok ang mga anak ko kasi walang pampagkain at pambaon ang mga anak ko. Hirap na hirap na ako,” ani Aling Arlene.

Bukod pa sa problema sa anak, ay problema din ni Aling Arlene ang araw-araw na pampagkain at pambayad na P50 sa mga kasama sa piitan ng kanyang asawa dahil na rin sa umiiral na sistemang “takal” sa loob ng Pasig City Jail.

Ilan lang ang pamilya ni Mang Lito at Aling Arlene sa mga pamilyang may kaanak na inaresto. Isa lang din sila sa mga pamilyang naghahangad ng tirahan, pero sakit sa katawan at kalooban ang natamo.

Pinaghahanda ng P14,000 ang pamilya ni Aling Arlene upang mapiyansahan ang asawa. Ganito rin ang halagang hingi sa mga naaresto. Sampu sa 41 naaresto’y nasa edad 12 hanggang 17. Anim sa mga ito, nahuli sa mismong kilos-protesta, habang apat ang nahuli rin sa isinagawang “hot pursuit” ng pulisya.

Ang kabataang ito’y dinala sa women’s desk ng Pasig City Jail at kalauna’y dinala sa Pasig Youth Homes o Bahay Aruga na katabi lamang ng nasabing kulungan.

Bilanggong kabataan

Salungat sa pangalang Bahay Aruga, ang 10 kabataan na dinala doo’y tila hindi aruga ang nararanasan mula sa mga humahawak sa kanila. Isa sa kabataa’y nagsabi sa abogadong si Kathy Panguban na ang pinilipit ng isang pulis ang kanyang braso.

Ayon kay National Anti-Poverty Commission Sec. Liza Maza, na rumesponde sa demolisyon (pero di pinapasok sa Bahay Aruga, sa utos ni Eusebio), may dalawang streetsweeper ang nakausap siya. Sabi ng mga ito, nagwawalis sila sa tabi ng Bahay Aruga nang tawagin sila ng dalawang batang lalaki na may edad na 11 hanggang 12. “Ate, tulungan n’yo kami. Alisin niyo po kami dito,” sabi umano ng dalawang bata.

Naunang rumesponde si Social Welfare and Employement Usec. Malou Turalde. Pero hindi siya pinasok, kasama si Gabriela Rep. Arlene Brosas. Ganudin ang sinapit nina Maza at Kabataan Rep. Sarah Elago. Sa kabila ng pagpupumilit nila, hindi rin sila pinapasok sa Bahay Aruga sa utos ni Eusebio. Pinuntahan nila ang tanggapan ni Eusebio pero hindi sila hinarap nito.

Maging sa mismong mga magulang, ikunukubli ang mga bata. Dahil dito, naghanda si Panguban na magsampa ng petisyon para sa writ of habeas corpus kontra sa Bahay Aruga at lokal na gobyerno ng Pasig.

Sa pagkakasulat ng aritkulong ito, hindi pa rin napapalaya ang 41 na residente ng Sta. Lucia, pati ang walo sa 10 menor-de-edad. Hindi pa rin napapakita sa mga magulang nila ang naturang mga bata.

Sa kabila nito, desidido ang 1,000 pamilyang residente ng Sta. Lucia na ipaglaban ang kanilang mga bahay at karapatan.


Featured image: Larawan ng bisita ni Bayan Muna Rep. Carlos Zarate sa nakakulong na mga residente ng Floodway sa Pasig. Kuha ni Kathy Yamzon

Silang walang tahanan

$
0
0

Walong buwan na matapos ang unang malakihang okupasyon ng mga maralitang lungsod na miyembro ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) sa mga pampublikong pabahay sa Pandi, Bulacan.

Sa kabila nito, tila hindi pa rin tinutupad ng gobyerno ang mga pangako nito sa mga maralita. Hindi pa rin nabibigyang katuparan ang pangako ni Pangulong Duterte na ipapamahagi na sa kanila—at sa maraming iba pa—ang libu-libong pampublikong pabahay na pinagawa ng gobyerno pero nanatiling nakatiwangwang at nabubulok.

Sa lakas ng kampanya ng Kadamay, natulak na maglabas ang Kamara ng House Resolution 15 at ang Senado ng Senate Resolution 7 na nagrerekomendang ipamahagi na sa mga maralitang walang bahay ang lahat ng nakatiwangwang na mga pampublikong pabahay.

Pero “resolusyon” pa lang ito, samantalang patuloy pa ring tumitindi ang krisis sa kalawang-pabahay ng milyunmilyong Pilipino.

Unang okupasyon

Madaling-araw ng Marso 8. Humigit-kumulang 6,000 yunit ng pampublikong pabahay sa Pandi ang inokupa ng mga miyembro ng Kadamay. Ang mga nag-okupa, pawang mga maralitang walang-bahay at mga relocatee na pinalayas mula sa kanilang mga bahay sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila.

Matapos ang okupasyon, nakatanggap ang mga maralita ng mga banta ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno. Nagbanta ang lokal na gobyerno, gayundin ang pulisya at National Housing Authority (NHA). Samantala, halos naging regular ang panlalait ng ilang personalidad ng midya at trolls sa social media.

Pero kahit pa. Epektibong nabuksan ng okupasyon ng Kadamay ang isip ng madla: Sa isang banda, nariyan ang malawakang kawalan ng pabahay sa mga maralita at kakulangan ng empleyo o kabuhayan sa kanila. Sa kabilang banda, nariyan ang 49,411 yunit ng pampublikong pabahay sa mga pulis at militar na nakatiwangwang at nabubulok, hindi natitirhan.

Gaano ba kalala ang homelessness o kawalan ng tahanan sa mga maralita? Tantiya mismo ng gobyerno, sa Metro Manila pa lang, umabot sa 3.1 milyong katao ang walang sariling tahanan— mga pansamantalang naninirahan sa pampubliko mga lupain (tulad ng bakanteng lote, parke, kalsada) o kahit sa iilang pribadong lote, gayundin ang mga renter at/o sharer na rumerenta rin ng espasyo (kuwarto, maliit na lugar) o nakikitira sa mga tahanan ng kapwa nilang maralita.

Grabe ang lala ng kawalan ng tahanan sa bansa. Sabi pa mismo ng United Nations Commission on Human Rights o UNCHR, ang Metro Manila ang nangunguna sa buong mundo sa bilang ng mga maralitang walang tahanan.

Kaya makatwiran

Sa ganitong konteksto kaya kauna-unawa ang pagookupa ng mga maralita sa mga pabahay sa Pandi.

“Kalunus-lunos na hindi nagamit ang mga bahay na ito (mga pampublikong pabahay) para sa mga walang-tahanan. Pinatatagal ng mga delay ang paghihirap ng marami sa pinakamahihirap at walang-pribilehiyo ng bansa,” pahayag ng Kadamay.

Matapos ihayag ni Duterte ang pagpahayag na ipamahagi na raw sa mga nag-okupa nito ang mga pabahay sa Pandi, naglunsad ng serye ng “validation” (o pagtitiyak na kuwalipikado ang mga maralita) sa kanila ang NHA. Pero sa tagal ng inabot na panahon, duda na rin ang Kadamay sa kaseryosohan ng NHA at administrasyong Duterte na talagang kilalanin ang karapatan nilang manirahan doon.

“Taliwas sa mga pahayag ni Duterte, nagsasagawa ng validation ang mga opisyal (ng NHA) sa mga okupadong lugar hindi para magbigay ng tahanan, kundi para magdiskuwalipika, digawing- lehitimo, at kalauna’y palayasin ang mga nag-okupa,” sabi pa ng Kadamay.

Korupsiyon

Bakit pinababayaan ng NHA at pribadong mga kontraktor nito na matiwangwang at mabulok ang mga pabahay?

Para sa Kadamay, may kinalaman ito sa malaking pondo na inilaan noong nakaraan (at inilalaan pa rin ngayon) ng gobyerno sa (dapat sana’y) serbisyong pabahay nito. “May malakas na ebidensiya na na ang mga proyektong pabahay ay ‘elepanteng puti’ (white elephant) na ginagamit para kumita ang mga opisyal ng pabahay at mga kapartner nilang mga debeloper at kontraktor,” ayon sa grupo.

May kabuuang P112-Bilyong pondo ang gobyerno (noong nakaraang administrasyon) na inilaan para sa pampublikong mga pabahay na ito. Ang naitayo lang ng pondong ito: 190,000 pabahay. Kabilang sa kondisyon diumano ng kontrata ng mga debeloper ang garantiya ng NHA na mababayaran nang buo ito—matirhan man o hindi ang mga pabahay. Noong nakaraang taon, umabot sa P15.2-B ang ibinayad ng NHA sa mga debeloper.

Sa Pandi, Bulacan, ayon kay Ron Villegas, researcher ng Crispin B. Beltran Resource Center (CBBRC), umaabot sa P250,000 ang halagang pinababayaran ng NHA sa mga titira sa bawat bahay. Kung titingnan ang mga yunit ng mga pabahay (kabilang ang nasa Pandi, Bulacan), makikita na mababa-sa-istandard (substandard) ang naturang mga yunit. Kaya nga hindi kataka-taka na tumanggi ang mga pulis at militar na tumira sa mga yunit sa Pandi, gayundin sa iba pang mga pabahay, tulad ng sa Bustos at sa Bocaue, Bulacan.

Ani Villegas, dahil sa kawalan ng tugon ng gobyerno sa krisis sa pabahay ng mga maralita, hindi maiiwasan ang isa muling bigwas ng okupasyon ng mga maralita ang magaganap sa malapit na hinaharap.


Pagkilala ng Kongreso sa krisis sa pabahay

Dahil sa okupasyon ng Kadamay sa 6,000 pampublikong pabahay sa Pandi noong Marso, natulak ang mga mambabatas na tuunan ng pansin ang penomenon ng nakatiwangwang na mga pabahay, gayundin ang matinding kawalan ng tahanan ng mga maralita.

Sa Kamara, inaprubahan ang panukala ni Negros Occidental Rep. Alfred Benitez (na siya ring tagapangulo ng House Committee on Housing and Urbang Planning) na House Resolution No. 15. Sa Senado naman, inaprubahan na rin ang Senate Resolution No. 7 ni Sen. JV Ejercito.

Sa pinagkaisa o joint resolution na ito, inirerekomendang igawad na sa mga maralitang walang bahay ang mga pabahay na naunang iginawad na (at iyung hindi pa iginawad) pero nakatiwangwang na mga pabahay para sa mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police, Bureau of Fire Protection, Bureau of Jail Management and Penology, at Bureau of Corrections.

Kinikilala ng naturang resolusyon na “nabigo” ang programa ng gobyerno sa pabahay. Ayon kay Benitez, umaabot lang sa 8.09 porsiyento (o halos isa lang sa bawat sampung pampublikong pabahay) ang naookupahan ngayon ng mga benepisyaryo nito.

Dahil sa dami ng tiwangwang na mga pabahay, maaari na umanong magtukoy ang NHA ng alternatibong mga benepisyaryo tulad ng mga guro sa pampublikong mg apaaralan, mga empleyado sa lokal na gobyerno, mga empleyado ng barangay at mga maralita o informal settlers tulad ng mga miyembro ng Kadamay.


 

Buhay at pagpupunyagi sa Plastikan

$
0
0

“May buhay sa bundok ng basura.” Ito ang bukambibig ng marami kaugnay ng nangangalakay nating mga kababayan. Pero sa totoo lang, gumagawa lang ng paraan ang mahihirap, dahil sa kawalan ng disenteng hanapbuhay.

Sa kabila ng hirap at peligro sa pagtatrabaho sa basura, sinisikap nila na magtrbaho para mabuhay ang pamilya. Papatunayan ito ng kuwentong buhay at pakikibaka ng mga naninirahan sa Plastikan, Payatas. 

Ka Pando ng Plastikan

Si Normelito ‘Ka Pando’ Rubis,  44, tubong-Masbate, ay nagmula sa pamilya ng magsasaka. Napadpad siya ng Maynila para makapagtrabaho at nangarap na mapabuti ang kanilang buhay.

Dito na sa Maynila nakilala ang asawa na si Melanie tubong-Bikol. Sa bundok ng basura sila namuhay at nagpalaki ng tatlong anak. Sa pag-recycle ng plastik ni Ka Pando at sa pagtitinda ng sari-sari ni Melanie iniraraos ang bawat araw at pangangailangan ng pamilya. Nang magkasakit si Ka Pando noong 2016, nagpasya siyang maging “purchaser”  na lang dahil hindi na kaya ng katawan na maghakot ng kilu-kilong plastik.

Presidente si Ka Pando ng Samahang Nagkakaisa sa Plastikan (SNP) na bahagi ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay).

“Ang kawalan ng maaasahan at serbisyo para sa aming mahihirap ang nagturo mismo sa amin para humakbang at tuklasin kung paano pa kami mabubuhay…Dito na sa aming komunidad mismo hinanap ang trabahong maaari naming matutunan at maaasahan para buhayin ang aming pamilya.  Sa Plastikan kami nakakita ng pag-asa.  Halos dalawang dekada ng pagrecycle ng plastik ang bumubuhay sa amin,” ani Ka Pando.

“Ipagkakait pa ba sa amin ito?”

Mga bata sa Plastikan: Tumutulong sa hanapbuhay ng kanilang mga magulang. <b>Iya Espiritu</b>

Mga bata sa Plastikan: Tumutulong sa hanapbuhay ng kanilang mga magulang. Iya Espiritu

Iba pang taga-Plastikan

Taong 1990, nang umpisahan ng mga maralita ang konsepto ng pag-recycle ng plastik sa Samsung na malapit sa Payatas.

Natutunan nila sa karanasan na may tamang proseso sa pag-recycle ng plastik. Mula sa pagkolekta ng mangangalakay o “scavengers” ng iba’t ibang tipo ng plastik, ito’y dadalhin sa “Samsung”. Dito nagaganap ang “cleaning” , “washing” at “drying”. Pagkatapos, ililipat ito sa Nuebe para sa “bundling” at ihahanda na para ideliber sa malalaking pabrika sa Valenzuela. Mga negosyanteng Tsino at Koreano ang bumibili ng mga plastik.

Ang kinikita nila’y depende sa tipo ng plastik na kanilang nakakalap. Ang makapal at malinaw ay P24/kilo, ang gaya ng plastik ng mga mineral water ay P18/kilo, ang malabong plastik ay P16/kilo at ang PE printed o colored ay P10/kilo. 

“Umaabot sa 40 tonelada ng plastik ang nare-recycle kada araw at talagang signipikante ang nagagawa ng mga tagarito,” ani Joey, organisador ng Kadamay.

Malaking bagay sana kung natutulungan sila ng gobyerno. Pero mailap ang mga ito. Ang masahol pa, kadalasa’y kakuntsaba ito ng ilang negosyante para maningil o kumita sa mga nagtatrabaho sa Plastikan.

Nung dekada ’60, isang malaking swimming pool ang Samsung. Abandonadong lugar na ito. Dahil maraming maralita ang walang mapuntahan, tinirhan ito ng mga mula sa iba’t ibang bahagi ng Maynila at probinsya. Dahil walang trabaho, nag-isip sila ng paraan para makapaghanapbuhay. Dito nag-umpisa ang Plastikan.

Taong 1998, sumulpot ang pangalang Arsellio Lim na nagpakilalang siya raw ang may-ari ng lugar at tinakot ng demolisyon ang mga maralita.

Di-nasiraan ng loob ang mga taga-komunidad. Nagorganisa sila at itinayo ang SNP. Nagsulputan ang iba pang private claimants. Higit namang nagpursigi ang mga maralita at nagbarikada.

Taong 2000,  naganap ang trahedya sa Payatas. Marami ang namatay sa pagguho ng basura. Pero lalong nagkaisa ang mga maralita at kanilang napagtanto: Wala silang ibang kakampi kundi ang kapwa nilang mahihirap.

Binabanggit ng gobyerno na pribadong lugar daw ang Plastikan. Pero 2009 nang ibenta kay Philip Lim ang lugar sa halagang P1,000/sqm.  

Hamon at pangarap

Sina Imac Roda, 5, at Michael James Callet, 6, ay matalik na magkaibigan.

Kapwa silang namumulot ng plastik ng mineral water at kumikita ng P18/kilo. Ito ang pang-araw-araw nilang buhay bilang bata. Bagamat nasa kinder si Michael kapwa silang nasasabak sa paghahanapbuhay para makatulong sa mga magulang sa halip na maglaro at maging ligtas sa sakit at pahamak.

“Ibibigay ko kay Nanay ang pera pambili ng bigas,” ani Imac.

“Paano ka sasaya sa ganitong lugar (na) marumi, walang malinis na tubig, walang serbisyo tapos itinataboy pa rin kami…Paano ka pa mangangarap kung wala kang makitang miski anong pagasa na kami ay papansinin o tapat na tutulungan ng gobyerno,” ani Gloria, isa sa mga inang naglilinis ng plastik). Para naman kay Ka Pando, pangarap niya na makatapos ng pag-aaral ang kanyang mga anak. “Hindi dapat sila magaya sa akin na Grade 1 lang ang inabot at para kahit paano ay umayos ang kanilang buhay.”

Pero hindi magbabago ang buhay nina Ka Pando, Melanie at Gloria pati na sina Imac at Michael kung hindi magkakaisa silang mga maralita para makilahok sa panlipunang pagbabago. Unti-unti, nahihimok ang mga tulad nila na magbuklod at igiit ang mga karapatan. Para sa hinaharap ng kanilang mga anak.


 

Panganib sa pangisdaan

$
0
0
slide
slide
slide
Bahay sa Isla 15. Ryan Plaza
slide
Bangka at mga bahura ng Taliptip. Ryan Plaza
slide
Inabandonang dildilan ng asin. Ryan Plaza
slide
Nagpapalipas ng oras ang mga bata sa bangka ni Mang Met. Ryan Plaza
slide
Isa sa mga bahay sa Taliptip. Ryan Plaza
slide
Magtatakipsilim. Ryan Plaza
Prev
Next

Bulakan, Bulacan. Halos isang oras na biyahe sakay ng bangkang de motor ang aabutin papunta sa isla ng Sitio 15, sa Brgy. Taliptip, Bulakan, Bulacan. Tataluntunin ng bangka ang isang malawak na ilog saka papasok sa isang dating sapa. Ayon sa mga taga-Sitio 15, dating pinalilibutan ng mga pilapil ang ngayo’y nagmistulang lawang kalawakan ng dagat na ito. Noong 2011, winasak ng bagyong Pedring ang mga pilapil kaya ang dating mga pribadong palaisdaan ngayo’y malaya nang pinangingisdaan ng mga sityo gayundin ng iba pang mangingisda mula sa mga kalapit na bayan tulad ng Obando.

At dahil napabayaan na ngang nakatiwangwang ang dating palaisdaan, nagtubuan at lumago ang mga puno ng bakawan at api-api na tila kagubatan sa gitna ng bahagi ng katubigang ito. At doon sa gitna ng mistulang gubat na iyon matatagpuan ang isang komunidad na binubuo ng 15 kabahayan na tinatawag na Sitio 15.

Magkakahawig ang mga bahay sa sityo. Lahat ay gawa sa kahoy, kawayan at pawid. Mapapasin din na nakaangat nang humigit-kumulang sa apat na talampakan ang mga ito para hindi abutin ng tubig kapag tumataas ang tubig sa dagat.

Inabutan ng Pinoy Weekly na naglalaro ng basketbol ang ilang kabataan sa pinakagitna ng isla, marahil ang tanging libangan dahil walang serbisyo ng kuryente dito. May mangilan-ngilan lamang na mayroong maliliit na solar panel para mayroon silang ilaw sa gabi. May mga radyo ring pinaandar ng baterya.

Sa mga kabahayan, magkakatuwang na naghahayuma ng lambat ang kababaihan habang nag-uumpukan sa isang ginagawang bangka ang kalalakihan.

Isang poso ang pinipilahan ng mga taga-sitio para umigib ng inumin at gamitin sa pang-araw-araw na gawain sa bahay.

Ayon kay Met Magbanua, 51, lider-sityo ng naturang lugar, Sitio 15 ang naging tawag dito dahil 15 ektarya ang kabuuan ng palaisdaang pinag-aalagaan ng alimango at iba pang lamang-dagat. Sa isang pagtingin, mas nakabuti pa, ayon sa mga taga-sityo, ang pagkabuwag ng mga pilapil dahil naging pampublikong pangisdaan na ito.

Inabandonang simbahan at palaisdaan sa Brgy. Taliptip. <b>Ryan Plaza</b>

Inabandonang simbahan at palaisdaan sa Brgy. Taliptip. Ryan Plaza

Pangingisda ang tanging kabuhayan

Pangingisda ang inabutang hanapbuhay ni Met nang mapadpad siya ng Taliptip. Sa Mindoro siya ipinanganak pero napunta sa Bulakan dahil sa himok ng isang kamag-anak.

Noong may mga palaisdaan pa sa lugar, nagtatrabaho sila at pinasusuweldo ng mga propitaryo bilang mga bantay-palaisdaan, mananambak o kaya’y nagsasabog ng taeng-manok na ginagawang pataba sa palaisdaan. Nagbago ito nang nanalasa nga ang bagyong Pedring. Kung dati’y nangangamuhan, ngayo’y malaya na silang mangisda sa malawak na lawang iyon.

Iba-ibang klase ng pangingisda ang ginagamit ng mga taga-sitio. Mayroong nagtatayo ng baklad, pukot at pamamanti na siyang pinakaraniwang paraan na panghuhuli ng alimango at alimasag. Nangangapa rin sila ng hipon, isang paraan ng pangingisda na tanging mga kamay ang gamit sa panghuhuli, at paminsan-minsa’y nangingilaw ng isda sa gabi.

“Maayos naman kami rito, tahimik,”sabi ni Met habang kinukumpuni ang makina ng kanyang bangka na aniya’y nalunod sa gasolina.

Bangka at lambat ang tanging puhunan ng mga mangingisda sa sityo. May bangka ang bawat bahay dahil bukod sa pangingisda, ito ang sinasakyan nila papunta sa pampang para magluwas ng kalakal at mamili ng kanilang mga pangangailangan sa araw-araw.

“Kinse mil ang aabutin para makagawa ng isang bangka at P1,500 naman ang gastos sa paggawa ng lambat o panti,” paliwanag ni Met. Ang halagang iyon ay pinag-iipunan nila dahil iyon ang magiging sandigan ng kanilang kabuhayan.

Namamanti sila mula Martes hanggang Sabado. Iniipon nila ang nahuhuling alimango, alimasag at hipon at sabay-sabay na dinadala sa punduhan ng Obando para ibenta kung Linggo o Lunes.

Kuwento ni Met, umaabot sa halos P4,000 ang kinikita nila sa isang linggo. Ang kalahati nito ay napupunta sa may-ari ng palaisdaan dahil kahit pala nawasak na ang mga pilapil, nagbabayad pa rin sila dahil ‘pagmamay-ari’ pa rin umano ng mga propitaryo ang lawa.

Tinatayang 15 kilo ng alimango ang nahuhuli nila kada linggo na naglalaro mula P170 hanggang P250 ang presyo sa punduhan.

Nakasasapat naman ang kanilang kinikita, ayon kay Met. “Wala naman kaming gaanong pinagkakagastusan dito sa isla,” dagdag niya pa.

Hindi rin nila iniinda ang mga pagbagyo at pagbaha dahil humuhupa agad iyon kapag kumakati ang tubig sa dagat.

Ang tanging nagiging suliranin ng mga mangingisda sa Sitio 15 ay ang tinatawag nilang ‘suong’ o masamang tubig na pumipinsala sa mga lamang-dagat. Pero kahit iyon ay nalalampasan nila dahil nakakabawi sila kapag umayos na ang tubig sa dagat.

“Masaya na kami dito dahil narito ang kabuhayan, kumakain kami nang maayos. Basta’t masipag ka, mabubuhay ka rito. Baka magutom lang kami sa baryo dahil wala kaming alam na hanapbuhay sa pampang,”paliwanag ni Met.

Inaayos ni Mang Met Magbanua, 51, ang motor ng kanyang bangka. <b>Ryan Plaza</b>

Inaayos ni Mang Met Magbanua, 51, ang motor ng kanyang bangka. Ryan Plaza

Panganib sa karagatan, kalikasan at kabuhayan

Hindi naman talaga iyon ang pinangangambahan ng mga taga-sityo kundi ang pinaplanong pagtatayo ng isang paliparan na makaaapekto sa kanilang lugar.

“Tutol kami sa airport dahil nandito ang aming kabuhayan,” sabi ni Met.

Matagal na nilang naririnig ang bali-balita tungkol sa naturang proyekto pero ang higit nilang ikinababahala ay ang tila pagwawalambahala ng gobyerno sa kanilang kalagayan. Tila umano walang plano ang lokal na pamahalaan para sa kanila kung sakaling matutuloy ang proyekto.

“Nababalitaan lang namin, hindi naman kami kinakausap ni Kapitan o ni Mayor tungkol diyan. Ilang dialogue na ang isinagawa namin pero hindi naman sila sumisipot,” ayon kay Met.

Ang tinutukoy nilang proyekto ay bahagi ng programang Build, Build, Build! ng administrasyong Duterte na kamakailan lamang ay inaprubahan na ng National Economic and Development Authority (NEDA).

Ang P700-Bilyong proyekto ay pangangasiwaan ng San Miguel Corporation kasama ng walo pang proyektong pang-imprastruktura.

Ang panukalang “aerotropolis” ay bubuuin ng isang paliparan na sasaklaw sa 1,168 ektarya at isang city complex na itatayo sa 2,500 ektarya sa baybayin ng Manila Bay na kinabibilangan ng Sitio 15.

Ayon kay Rodel Alvarez, 38, residente rin ng Sitio 15, walang kalakal na mahuhuli kapag tinambakan ang karagatan. “Hindi lamang kami dito sa sitio ang maaapektuhan dahil maraming nakikinabang sa pangisdaang ito,”aniya pa.

“Hindi lang naman pabahay ang kailangan namin kung matutuloy ang proyektong iyan, kundi kabuhayan. Andito ang aming kabuhayan at nabubuhay kami nang maayos dito,” dagdag pa ni Alvarez.

Pinangangambahan rin ng mga residente ang magiging epekto ng naturang proyekto sa kalikasan dahil tiyak na madadamay rin ang mga puno ng bakawan at api-api na pinaninirahan ng mga isda. Malaki rin umano ang magiging papel ng bakawan kung sakaling magkakaroon ng tsunami dahil nakakatulong ito mapahina ang malalaking alon.

Naninindigan ang mga taga-Sitio 15 na ilalaban nila ang kanilang isla kahit malayo sa ‘kabihasnan’. Hindi umano sila papayag na basta-basta na lamang agawin sa kanila ang karapatang makapangisda sa karagatang matagal na nilang inaring pamayanan.

“Ilang bagyo na ang dumaan sa aming buhay pero narito pa rin kami. Narito pa rin ang isla at ang dagat na nagbibigay ng aming mga pangangailangan,” sabi pa ni Alvarez.


 

Tokhang at demolisyon sa Sityo San Roque

$
0
0

“Huwag ka ngang pa-epalepal diyan!’ Sinigawan ng isang pulis si Gina, 37 (di tunay na ngalan). Dalawa sila, pareho nakadamit-sibilyan, pumasok sa kanilang tahanan nang walang permiso. Pero siya pa raw ang epal. “Nagmakaawa ako sa kanila,” ani Gina. Hinihila na kasi ang asawa niya papalabas ng bahay. Bago nito, lumabas lang siya para bumili ng hapunan. Alas-sais ng gabi, at nanonood lang sila ng TV ng asawa niyang si Arnel, 32, at biyenang babae.

Isa sina Gina sa daan-daan pang pamilyang nakatira sa Sityo San Roque, sa North Triangle, Quezon City.

Diretsong itinutok ng pulis ang armalayt sa mukha ni Gina. Umakyat ang isang kasamahan ng pulis – asset ng pulis, sabi ni Gina – para daw mag-inspeksiyon. Walang nakitang anumang ilegal. “Ipapa-verify lang natin (si Arnel) sa presinto,” sabi raw ng pulis. Kaya pinadala ng nanay ni Arnel sa kanya ang mga ID niya – PhilHealth ID at SSS ID. “Pero pagdating sa presinto (Police Station 7 ng Quezon City Police District), ayaw kilalanin ito ng pulis.”

Naghanap ng kasama si Gina patungong presinto. Isang paralegal volunteer mula sa Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) ang sumama sa kanya. Pagdating doon, ang sabi, may Release Order na ang piskal. Walang nakuhang anumang ilegal kay Arnel. Walang anumang kaso na maisasampa kay Arnel. Pero di ayaw pa ring palayain ng pulis si Arnel. Di nagtagal, ang sinasabi na, kakasuhan na raw siya ng paglabag sa Artikulo 13 at 14 ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 – sa salang may hawak daw siyang ilegal na droga o paraphernalia nito.

Noong gabing iyon, Oktubre 7, umabot sa 53 katao ang hinuli ng pulis sa San Roque.

Nagkataon naman (o nagkataon nga ba?), may nakaambang demolisyon sa kabahayan sa bahagi ng San Roque na malapit sa EDSA. Setyembre 21, naglabas ang National Housing Authority (NHA) ng eviction order sa mga residente ng bahaging iyun ng San Roque. Apektado rito ang 400 pamilya.

[Template "responsive" not found]

Ilegal na aresto

Ang apat sa mga naaresto, kasama si Arnel, lumabas agad na negatibo sa droga. Ang iba (kuwento ng isang kaanak), pinainom daw ng isang “mapaklang tubig” ng pulis, at saka pinailalim sa drug test – at naging positibo rito.

Sa 53, ayon sa Kadamay-San Roque, 10 ang talagang residente ng San Roque. Ang 43, pawang mga manggagawang nagtatrabaho sa konstrukisyon sa malapit na ginagawang matatayog na bilding – sa Makati Development Corp. (MDC) na subsidyaryo ng Ayala Land sa bahagi ng EDSA, at sa isang proyektong konstruksiyon sa Philippine Science High School sa Agham Road.

“May isa ngang foreman (diyan) sa MDC na inaresto. Natanggal na lang sa trabaho, kasi di nga makapasok,” sabi ni Mang Johnny (di rin tunay na ngalan), residente ng San Roque, at asawa ng isa rin sa mga inaresto. Ang mga manggagawa, nagmemeryenda lang sa mga tindahan sa San Roque matapos ang trabaho sa konstrukisyon.

Dahil dito, sandaling nabalot sa takot ang buong komunidad. Habang paparating ang katapusan ng isang buwang palugit sa implementasyon ng eviction order – sa Oktubre 22 – ang ilang residenteng ayaw sanang lumipat, nahimok na tanggapin ang alok ng relokasyon. “Pero kung hindi dahil sa mga hulihan, kung hindi naman sila natakot sa nangyari, hindi naman sila aalis,” sabi ni Gina.

Nakakatiyak sina Gina na may kinalaman ang biglaang pagreyd ng pulisya sa kabahayan ng San Roque sa planong demolisyon ng NHA rito. Anu’t anuman, nakatulong ang mga pananakot sa kusang pagdedemolis ng sariling mga tahanan ng aabot sa 96 pamilya sa bahaging EDSA ng San Roque, ayon kay Inday Bagasbas, pangalawang tagapangulo ng Kadamay at residente sa lugar.

Noong Oktubre 30, alas-singko ng umaga, habang tulog pa ang marami sa mga residente ng sityo, at habang niraragasa ng bagyong Rosita ang Kamaynilaan at Luzon, nagulantang sila nang magsimulang magdemolis ng mga bahay ang mga demolition team ng NHA.

“Walang puso ang NHA. Alam nilang hindi dapat nila ito ginagawa dahil on-going pa ang negosasyon, at lalong dapat hindi na nito gawin sa panahin ng bagyo. Marami ang naging homeless sa araw na ito,” ani Inday.

Labi ni Roel, 20, na tadtad ng tama ng bala. Kuha ng larawan na mula sa Kadamay-San Roque <b>KR Guda</b>

Labi ni Roel, 20, na tadtad ng tama ng bala. Kuha ng larawan na mula sa Kadamay-San Roque KR Guda

Pananakot, gamit ang Tokhang

Pansin nina Inday, tumindi nga lalo ang mga panghaharas sa kanila ng mga tauhang panseguridad ng Ayala Land. May 24 oras nang nakabantay na armadong mga guwardiya ng kompanya ang nagbabantay sa lahat ng pasukanlabasan sa San Roque. Samantala, walang tigil ang mga operasyon ng PNP sa ngalan ng giyera kontra droga ng rehimeng Duterte.

Maliban sa 53 manggagawa at maralitang kinulong sa ngalan ng naturang giyera kontra droga nito lang Oktubre, may mga nabiktima rin ng pamamaslang. Isa na rito si Ruel, 20, manggagawa sa konstruksiyon sa Philippine Science High School.

Alas-tres ng umaga (ng Setyembre 17), umalis siya (Ruel) sa bahay,” sabi ni Mila, 34, asawa ni Ruel. Bago lang silang mag-asawa. Dating overseas Filipino worker si Mila, at babaing Moro na lumaki sa Marawi City. Taga-Marawi rin si Ruel, na nakilala na ni Mila sa San Roque. “Ang sabi niya, magkakape na lang siya sa labas.”

Hindi na nakarating sa pinagtatrabahuang construction site si Ruel. Hindi na rin siya umuwi noong gabing iyon. Nabahala si Mila, kaya nagpatulong na siya sa mga kaanak na hanapin ang asawa. Ang sabi ng mga kapitbahay, may naganap na pamamaril noong umagang iyon sa harap ng Philippine Science. Kinabahan na si Mila. Inisa-isa nila ang mga ospital, ang mga punerarya. Hanggang nakarating sa Litex sa Commonwealth Avenue sa Quezon City. Malayo na ito sa San Roque.

Doon na nila nakita ang labi ni Ruel. Tadtad ng tama ng bala. Iba ang pangalan sa punerarya. Pero kilala ni Mila ang asawa niya. “Ang sakit lang, kasi naghahanapbuhay lang siya,” sabi ni Mila. Mula sa kuwento ng mga saksi, nabuo ni Mila ang posibleng kuwento. Nagkakape si Ruel sa isang tindahan sa harap ng Philippine Science. Pinaputukan siya ng pulis. Tinangka niyang tumakbo papunta sa kanilang bahay, pero agad siyang inabutan at muling pinagbabaril. Pero sa police report, nanlaban daw si Ruel. Nagtangkang mangholdap. Nakipagbarilan daw.

Imam (lider-Muslim) siya, wala siyang bisyo maliban sa paninigarilyo,” malungkot na kuwento ni Mila. Bahagi ang pamamaslang kay Ruel ng sunud-sunod na mga operasyon ng pulisya sa San Roque. Kasabay ito ng mga banta ng demolisyon. Sa isip ng dumaraming residente ng San Roque, hindi imposibleng may kinalaman ang mga operasyon ng pulis sa pagpupumilit ng NHA, lokal na gobyerno ng Quezon City at, siyempre, Ayala Land.

Patuloy ang paggiit ng mga residente ng San Roque sa kanilang karapatang manirahan sa lugar. <b>Kadamay San Roque</b>

Patuloy ang paggiit ng mga residente ng San Roque sa kanilang karapatang manirahan sa lugar. Kadamay San Roque

Walong-taon na laban

Tangkang demolisyon sa North Triangle, Quezon City noong Setyembre 2010. <b>Macky Macaspac / PW File Photo</b>

Tangkang demolisyon sa North Triangle, Quezon City noong Setyembre 2010. Macky Macaspac / PW File Photo

Mahigit walong taon na ang pakikibaka ng Kadamay at mga residente ng San Roque kontra sa demolisyon. Noong Setyembre 23, 2010, panahon ng dating pangulong Benigno Aquino III nang matagumpay na napigilan ng mga residente ng San Roque ang demolisyon ng kanilang mga bahay sa bahaging EDSA.

Magmula noon, nagawang napigilan ng mga residente, sa pangunguna ng Kadamay at iba pang grupo, ang maraming tangkang demolisyon. Pero may bahagi ng San Roque na nagawang idemolis ng NHA, malapit sa Agham Road.

Kasosyo ng Ayala Land ang mismong NHA sa pagtatayo ng tinatawag nilang Quezon City Central Business District (QCCBD) na sasaklaw sa North Triangle at East Triangle sa bahaging ito ng lungsod. Kasama sa mga itatayo ang dalawang tore ng Alveo Land, ang high-end o mamahaling condominium. Ayon sa mismong Alveo Land, nagkakahalagang P140,000 per square meter o mula P4.2- Milyon hanggang P23.2-M ang bentahan ng bawat isa sa mahigit 800 yunit sa High Park Tower Two na may 49-palapag at nakaharap sa EDSA.

Inaasahang aabot sa P7.5-B ang kikitain ng kompanya sa pagbenta ng mga yunit sa Alveo High Park Tower Two. Samantala, ang nauna nang natapos na Tower One ay mahigit 70 porsiyento na ang nabentang yunit. Inaashaang kikita naman ang Tower Two ng P5.2-B.

“Ang inilalaban lang namin ay onsite development. Kung may pagpapaunlad ang gobyerno sa lugar, dapat unahin ang matagal nang mga naninirahan dito,” sabi ni Nanay Inday. Libu-libo pa rin ang mga residente ng San Roque, na naggigiit sa kanilang karapatan—na nakabatay kapwa sa batas at sa katwiran. Ang mungkahi nila, pangunahan ng gobyerno ang pagpapatayo ng pabahay sa mismong lugar ng San Roque. Para igiit ito, mananatili sila sa San Roque. “Mahirap na nga kami, lalo pa kaming pinahihirapan,” ani Gina. Hangad lang naman nila ang pagkilala sa mga karapatan nila – mula sa karapatang dimaaresto at makulong kung wala namang sala, hanggang sa karapatan sa tahanan.

[Itinago ang tunay ngalan ng nakapanayam na mga residente ng San Roque para sa kanilang seguridad.]

Kadamay, patuloy na inaatake

$
0
0

Hindi dapat ipiit ang sino mang tao dahil lang sa kanyang paniniwala at hangaring pampulitika,” ayon sa Seksiyon 18.1 ng Artikulo III o Bill of Rights. Pero kaliwa’t kanan ang nagiging paglabag dito, mula sa danas ng daan-daang bilanggong pulitikal sa Pilipinas, kabilang ang dalawang miyembro ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) nitong nakaraang eleksiyon.

Ayon sa ina ng dalawang miyembro ng Kadamay, Abril 13, isang buwan bago ang halalan, nagsasabit si John Arlegui at Reynaldo Viernes ng mga tarpaulin sa haywey sa Angat, Bulacan. Ninais nilang makatulong sa panghihikayat iboto ang Bayan Muna Party-list at si noo’y senatorial candidate Neri Colmenares.

“Tinutukan sila ng baril at isinakay sa van. Matapos nito’y dinala sa isang safehouse sa Bulacan, piniringan at ininterogate ng dalawang araw,” ayon sa pagsisiyasat ng Kadamay.

Sumulpot na lang ang kaso ng ilegal na pagbebenta ng armas matapos dalhin ang dalawa sa opisina ng Criminal Investigation and Detection Group sa Cabanatuan. Ayon sa police report, mayroon silang dalawang baril, dalawang hand grenade at P10,000.

Sina John Arlegui at Reynaldo Viernes, na ilegal na inaresto sa Angat noong panahon ng kampanya. <b>Kontribusyon</b>

Sina John Arlegui at Reynaldo Viernes, na ilegal na inaresto sa Angat noong panahon ng kampanya. Kontribusyon

Gustong manakot

“Kitang-kita kung gaano kadesperado gobyerno sa pagpigil sa tunay na oposisyon,” ani Colmenares.

Isa siya sa mga nananawagan para sa abot-kaya at disenteng pabahay para sa mga maralita, pati na rin ang pagkakaroon ng national minimum wage para maging makakabubuhay ang sahod ng mga manggagawa.

Dagdag ng Kadamay, paulit-ulit na pinatagal ng awtoridad ang pagbibigay ng kopya ng dokumento, kahit sa mismong kapamilya ni Arlegui at Viernes. Ngayon, hinihintay pa rin ng Kadamay at ng mga kapamilya nila ang resolusyon ng piskal.

“Hindi na ito nakakagulat dahil hindi naman unang beses ito na nangyari,” pahayag ng Kadamay, “ngunit kapansin-pansin ang pagtindi ng mga atake habang papalapit ang eleksiyon.”

Pebrero pa lang, nakaramdam na ng pagmamanman ang ilang miyembro ng Kadamay. Nakatanggap si Eufemia Doringo, tagapagsalita ng Kadamay at volunteer sa Neri Colmenares for Senator Movement, ng text mula sa secretary ng barangay. Ayon sa text, hinahanap ng kapitan si Doringo. Nang tanungin ni Doringo ang secretary, hindi rin nito alam ang layunin sa pagpapatawag.

Nang matuloy na ang pagkikita noong Pebrero 19, hindi pala ang kapitan ang naghahanap kay Doringo kundi si Major Jeoffrey Braganza (JFT-NCR) at isa pang hindi nagpakilalang kasama. Dito na pinaliwanag si Doringo ukol sa isang “Peace Caravan”.

“CamRes po kayo ma’am ‘di ba po?” tanong pa raw ng hindi nagpakilalang kasama ni Braganza, nagpapahiwatig na pupuwedeng bumisita ang militar para sa sinasabing caravan o sa kung ano pang layunin.

Di tinatatanan

Hindi pa rin tinatantanan ni Jeffrey Ariz, tinatawag na asset ng militar at polisya, ang paninindak sa mga miyembro ng Kadamay sa Pandi. Minsan pa raw niyang pinasok ang klinika ng komunidad at binansagang pagmamay-ari niya.

Sa pananakot at pagbabanta, layunin nina Ariz na mapilitang tumigil sa pag-oorganisa at pagtulong sa kampanya ang mga miyembro ng Kadamay, ayon sa tagapangulo nitong si Bea Arellano. Pero nananatili ang mga miyembro sa pagiging aktibo sa grupo.

Kinokondena ng Kadamay itong mga “desperadong hakbang ng rehimeng Duterte para pigilan ang pagkakaroon ng tunay na representasyon ang maralitang lungsod sa gobyerno.”

Ayon sa Seksiyon 4 ng Bill of Rights, mayroong “karapatan ang taong-bayan na mapayapang magkatipon at magpetisyon sa pamahalaan upang ilahad ang kanilang mga karaingan.” Ano na lang sa Saligang Batas ang natitirang sinusunod ng gobyerno?

Tangkang pagbuwag ng pagkakaisa sa Pandi

$
0
0

Pinakiusapan nina Mitch ang mga pulis na nandoon. Pero tumangging makialam ang mga ito.

“Wala kaming magagawa. Taong bayan na ang nagrereklamo,” sabi daw ng pulis. Pinanood nila, ng mga pulis, ng mga militar na nandoon, ng mga kasapi ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay), habang pinapasok ng mga taong miyembro ng bagong-tatag na grupong “Pro-Government” ang opisina ng Kadamay sa Atlantica housing sa Pandi, Bulacan, Setyembre 8 ng tanghali.

“Sinira nila ang padlock. Walang tao sa opisina. Nilabas nila ang mga dokumento, mga logbook, mga (kopya ng) Pinoy Weekly. Dinala sa circle (sa rotunda sa loob ng Atlantica), saka sinunog,” ani Mitch, miyembro ng Kadamay sa Atlantica, housing project ng gobyerno na isa sa mga inokupa ng mga maralitang walang tahanan noong Marso 2017.

Sa mga larawang nakuhanan ng pangyayari, makikita ang gabundok ng papel na sinunog. Sa tantiya ng Pinoy Weekly, di-bababa sa isanlibong kopya ng magasin ang sinunog. Bulk subsciber kasi ng PW ang mga residente ng Atlantica at iba pang inokupahang pabahay sa Pandi.

Samantala, sa covered court sa loob ng Atlantica, naunang nagtipon ang mga miyembro ng “Pro-Government.” Nagprograma sila. Bitbit ng mga tao ang mga plakard, puro pag-aalimura sa Kadamay, sa mga lider nito kasama ang pambansang tagapangulo na si Gloria “Ka Bea” Arellano. Naglagay sila ng effigy ng kabaong, nakalagay ang pangalan ng lokal na lider ng Kadamay. Iniladlad ang watawat ng Kadamay, itinabi sa watawat ng Communist Party of the Philippines, saka sinunog.

Lahat nang ito, nasa presensiya ng mga opisyal at miyembro ng Philippine National Police (PNP)-Pandi, at ng ilang opisyal at miyembro ng 48th Infantry Battalion ng Philippine Army.

Mga sundalo ng 48th IB ng Army, sa Atlantica. <b>Kontribusyon</b>

Mga sundalo ng 48th IB ng Army, sa Atlantica. Kontribusyon

Kuwento ni Mitch, ito lang ang pinakahuli sa serye ng mga bayolenteng aktibidad ng “Pro-Government.” Noong Setyembre 3, nabulabog ang komunidad nang matapos ang General Assembly ng Kadamay sa Atlantica, nagpaputok ng sumpak ang isang “Jun” (“dating sekyu dito, ng Kadamay, nagbabantay ng checkpoint sa gate,” ani Mitch) na ngayo’y taga-“Pro-Government” na.

Pina-blotter nina Mitch ang insidente sa malapit na presinto ng pulis. Pero mistulang ininteroga ng mga pulis ang mga taga-Kadamay. “Sinulat lang nila sa scratch paper (ang interbyu),” alala ni Mitch. “Kaya tinanong ko, ‘Bakit hindi n’yo ho ilagay sa logbook?’ Kung sa scratch paper ilalagay, magiging basura lang ‘yan. ‘Yun na nga, naging basura na.” Walang nangyari sa reklamo nila.

Matapos ang pagpapaputok, gabi-gabi ang pag-iikot sa mga kabahayan sa Atlantica, kuwento pa niya. May mga bahay na pinasok, hinahanap ang isang lokal na lider ng Kadamay. Siyempre, walang mandamyento na maiprisinta ang mga pumasok.

Noong Setyembre 6, nagpapasok ang “Pro-Government” ng mga hakot nitong tao para “mag-okupa” ng iba pang natitirang di-okupadong yunit ng bahay sa Atlantica — para isisi sa Kadamay. Pinaalis din ito ng mga pulis. Inamin ni Maj. Joy Placido, hepe ng PNP-Pandi, na hindi miyembro ng Kadamay ang mga pumasok.

Pagpasok sana ng mga miyembro at lider ng Kadamay-National sa Atlantica -- bago hinarangan ng mga tao ng "Pro-Government." <b>KR Guda</b>

Pagpasok sana ng mga miyembro at lider ng Kadamay-National sa Atlantica — bago hinarangan ng mga tao ng “Pro-Government.” KR Guda

Setyembre 14, isang linggo matapos ang mga panununog, isang diyalogo ang isasagawa sana ng mga mambabatas ng blokeng Makabayan sa Pandi para alamin ang kalagayan ng mga residente roon, mahigit dalawang taon matapos ang okupasyon. Pero napag-alaman ito ng mga pulis, at ng grupong “Pro-Government”, at hinarangan ang Makabayan, gayundin ang mga miyembro ng iba’t ibang progresibong organisasyon na dadalo sana sa diyalogo, na makapasok sa Atlantica.

Niyakap ni Nanay Inday Bagasbas ng Kadamay-National ang isang nakabarikadang miyembro daw ng "Pro-Government" nang makilala niyang dati itong miyembro ng Kadamay. Naiyak ito, at sinabing "hirap na hirap na kami." <b>KR Guda</b>

Niyakap ni Nanay Inday Bagasbas ng Kadamay-National ang isang nakabarikadang miyembro daw ng “Pro-Government” nang makilala niyang dati itong miyembro ng Kadamay. Naiyak ito, at sinabing “hirap na hirap na kami.” KR Guda

Naglabas ng sound system ang mga nakabarikadang miyembro ng “Pro-Government.” “Hindi na kami paloloko sa Kadamay!” sigaw ng isang lider nito. Sa panayam ng Pinoy Weekly sa mga nakabarikadang miyembro ng “Pro-Government,” (tumanggi silang magbigay ng pangalan) sinabi nilang nakatanggap daw sila ng balitang ookupahin ng Kadamay ang mga bahay nila at palalayasin sila. Pero sabi nina Mitch, hindi ito totoo, dahil alam ng naturang grupo na may pupuntang mga miyembro ng Makabayan — sina Bayan Muna Reps. Carlos Zarate, Gabriela Rep. Arlene Brosas at ACT Teachers Rep. France Castro — para makipag-usap sa mga residente ng Atlantica.

Sa pakikipag-usap ng Pinoy Weekly sa mga miyembro ng “Pro-Government,” inamin ng mga ito na mga pulis ang nagsabi sa kanila na ookupahin daw ng Kadamay ang mga bahay nila. Siyempre, pinabulaanan ito ng Kadamay, lalo na ni Ka Bea Arellano na, sa kabila ng mga banta sa buhay niya’y pumunta pa rin sa naunsiyaming diyalogo.

“Hindi naman namin kayo kaaway,” sabi ni Arellano sa mga miyembro ng “Pro-Government”. Kaya lang, aniya, huwag naman silang pagagamit sa militar at pulis na nagnanais bawiin ang mga tagumpay ng mga residente ng mga pabahay ng Pandi — mga residenteng pinangunahan ng Kadamay para mag-okupa sa mga tiwangwang na government housing projects sa Pandi noong Marso 2017.

Tantiya nina Mitch, aabot sa isangkapat lang ng mga residente ng Atlantica ang nakuha ng “Pro-Government.” Karamihan pa rin, bahagi ng Kadamay. Sa hiwalay na panayam ng Pinoy Weekly sa iba pang residente ng Atlantica na tumangging magpakilala, sinabi nilang tumatanggap ng bayad ang mga lider ng “Pro-Government”: PhP8,000 kada buwan, at dalawang sako ng bigas, mula sa militar at pulis. “Pero yung mga lider lang yun. Yung iba, niloloko lang nila,” sabi ng isang residente.

Si Ka Bea Arellano, sa Villa Lois housing sa Pandi. <b>KR Guda</b>

Si Ka Bea Arellano, sa Villa Lois housing sa Pandi. KR Guda

Ginamit din ng pagrekluta ng grupo ang mga reklamo ng ilang residente sa ilang lokal na lider ng Kadamay — mga dating lider na noong nakaraang taon pa’y tumiwalag na sa Kadamay at narekluta na ng militar at pulis para maging ahente. Pangunahin na rito si Jeffrey Ariz, dating miyembro ng Kadamay na tinuturong lider ngayon ng “Pro-Government.” Nasa kalinga siya ngayon, ayon sa mga residente, ng 48th IB ng Army.

Lahat nang ito, nagpapakita ng planadong atake ng rehimeng Duterte sa mga maralitang organisado sa Pandi sa ilalim ng Kadamay. “Gusto nilang agawin ang tagumpay natin,” sabi ni Ka Bea. Isang malakas na pagsisiwalat sa bulok na sistema ng pampublikong pabahay ang kampanyang okupasyon ng Kadamay noong 2017. Ayaw na ng rehimeng Duterte na maulit pa ito. At ang nagawa nang pag-ookupa sa Pandi, gusto nang bawiin nito.

“Dumaan na sila sa lahat ng proseso (para maigawad ang mga pabahay ng Pandi),” ani Ka Bea. “Pero pinatatagal ng National Housing Authority ang pag-aapruba.” Ngayon, ginagamit ng militar at pulis ang pagkainip ng ilang residente para atakehin ang Kadamay.

Pero magpapatuloy sila, ani Mitch. Noong gabi ng Setyembre 14, sa kabila ng mga banta sa kanila ng de facto Batas Militar sa mga pabahay ng Pandi, nag-ikot ang mga lider ng Kadamay sa Atlantica, nagsagawa ng pulong masa sa kalapit na pabahay na San Luis at iba pa. At dahil nasa katwiran silang mga maralita, ani Ka Bea, matatanto rin ang kabulukan ng mga pakay ng rehimeng Duterte para sirain ang pambihirang pagkakaisa ng mga maralita ng Pandi.

Ang pagtataboy sa vendors ng Divisoria

$
0
0

“Para kaming mga daga. Nagtatago kung saan puwedeng lumungga.”

Grabe ang nararanasan nina Aling Gloria Ricafrente, 51, nitong nakaraang mahigit limang buwan. Matagal na siyang nagtitinda ng softdrinks, tubig at iba pang pagkain sa bangketa ng Soler Street sa Divisoria, Manila. Nasa harapan ito ng 168 Mall, malapit sa Lucky China Town, at katabi ng 999 Mall. Pero ngayon lang niya naranasan na kung pagtabuyan sila, kung ipagkait sa kanila ang karapatang maninda, akala’y hindi tao ang turing sa kanila.

Hunyo 13 pa lang, inanunsiyo na raw ng lokal na pamahalaan ng Lungsod ng Maynila ang pagpapalinis sa mga bangketa at kalsada ng Divisoria. Kapapanalo pa lang sa pagka-alkalde ni Francisco “Isko Moreno” Domagoso laban sa nakaupong meyor na si Joseph Estrada. Katapusan pa ng Hunyo ang simula ng termino niya.

“Bago siya manumpa, pinagsabihan kami. (Hunyo) 15, wala na kami,” kuwento ni Aling Gloria. “Lahat ng paninda inuwi na namin. Yung pinaka-puwesto namin, talagang giniba na. Tinanggal na.”

Pero tulak ng pangangailangan, nagtinda pa rin ang mga vendor sa bangketa ng Divisoria. Si Aling Gloria, kasama ang kanyang asawa, nagsakay ng cooler ng softdrinks at iba pang inumin sa kanilang kartilya. Para madaling makaalis kung sakaling sitahin o may dumating na manghuhuli.

Mula noon, “sniper” na ang pagtitinda nila – katawagan nila sa papuslit na pagtinda sa bangketa. Noong Oktubre, nahuli na sila. “Nakaalis ako, pero ‘yung asawa ko, nahuli. Pero gumugulong na (‘yung kartilya), tumatakbo na. Alas-nuwebe ng umaga noon. Kadarating pa lang namin para maghanapbuhay,” ani Aling Gloria.

Pilit umanong kinuha ang kanilang paninda – pati ang kanilang cooler at kartilya – ng tinatawag nilang “hawkers” o mga tao ng Hawkers Management Office sa ilalim ng Bureau of Permits ng lokal na pamahalaan ng Lungsod ng Maynila. Walang nagawa ang asawa niya, nabitawan din.

Kuwento ni Aling Gloria, ang kalakaran sa hawkers ay ganito: Kapag kinuha ang mga paninda mo, hayaan mo na lang. Kasi kung sumama ka sa mobile (sasakyan) nila, pati ikaw, huhulihin. Dadalhin ka sa piskal at ipapasailalim sa inquest proceedings (imbestigasyon ng piskal). May kaso ka na, at baka makulong pa.

Ang problema, talo ka rin sa pagkumpiska nila sa mga paninda mo. Sa opisina ng hawkers, malapit sa Manila City Hall, pinuntahan nina Aling Gloria ang kanilang cooler, kartilya at paninda. Pinagpasa-pasahan siya ng mga nandoon, hanggang makarating sa hepe ng hawkers. “Kukunin ko lang po sana ang paninda ko,” pakiusap niya sa hepe. Dahil maagang hinuli, puno pang cooler niya. “Puno yun: dalawang kahon ng mineral (water), tig-dalawang pack ng Coke, Mountain Dew, Royal, Sprite. Puhunan dun, mahigit P2,000,” kuwento niya.

Nakita niya ang cooler sa bodega ng hawkers. “Wala na, halos 1/4 na lang ang laman,” kuwento pa ni Aling Gloria. Sa mobile ng hawkers, nagkalat ang walang-laman na mga bote ng softdrinks. Ininom ng hawkers ang mga paninda niya. Lunes noon, at pinababalik sila ng hepe sa Biyernes kasi Biyernes daw ang releasing.

Pero pagbalik ng asawa niya, wala na ang cooler. Wala na rin ang kartilya. “Yung lalagyan ko, mga P1,900 ang halaga. Yung kartilya, P1,800,” aniya.

Mga vendor ng Divisoria na nagpiket sa Manila City Hall noong nakaraang buwan. <b>Kontribusyon</b>

Mga vendor ng Divisoria na nagpiket sa Manila City Hall noong nakaraang buwan. Kontribusyon

Winalis din ang mga paninda ni Aling Dulce Amor, 65, noong Hulyo. Taga-Moriones St. sa Tondo, Manila si Aling Dulce, at mahigit tatlong dekada nang nagtitinda malapit sa Ylaya Street sa Divisoria. Nagtitinda siya ng mga ready-to-wear o RTW na mga damit, gayundin ng mga kagamitang stainless steel. Tuwing Pasko, nagtitinda siya ng Christmas lights.

“Noong kampanya (sa eleksiyon), ang sabi niya (Isko Moreno), walang palalayasin. Sa ngayon, lahat kami, buong Abad Santos St. hanggang Asuncion sa Claro M. Recto Ave. (sa Divisoria), pinaalis na,” ani Aling Dulce.

Sa tagal na umano niyang nagtitinda sa Divisoria, ngayon lang umabot ng “‘ber months” na hindi pa rin sila nakakapagtinda nang legal sa bangketa. Noong nakaraang mga taon, tuwing papalapit ang Pasko, pinapayagan silang magdagdag ng tinda. Dagsa din kasi ang demand ng mga mamimili sa Divisoria. Pero hindi nila hinaharangan ang buong bangketa. Malaki na yung isang metro ang sakop. Tantiya ng Pinoy Weekly, di-bababa sa apat na metro ang lapad ng bangketa rito.

Hindi rin naman masasabing ilegal ang pagtinda nila sa nakaraan, aniya. “May permit mula sa City Hall. P1,200 kada taon ang bayad. May P600 kada buwan. Yung “hawkers” ng City Hall ang naniningil nito dati,” kuwento pa ni Aling Dulce.

Ngayon, itong “hawkers” ng City Hall na ang nagpapalayas sa kanila – sa napakarahas na paraan. “Gumagamit sila ng dalawang bata,” kuwento pa ni Aling Gloria. “Sa likod ng bata yung mga pulis. Nanghihila ng mga paninda ang mga bata, pero di mo puwedeng labanan o pigilan, kasi may pulis sa likod.”

Dati, ani Aling Dulce, kumikita sila ng humigit-kumulang P1,000 kada araw. “Malinis na iyun,” ani Aling Dulce. “Pero ngayon, suwerte na kung kikita kami ng P500.” Mas kaunti kasi ang natitinda nila dahil patago. Iyung kaya lang nilang mabuhat ang tinitinda nila. Kulang na kulang na ang P500 sa kanila. Ang ibang vendors, ani Aling Dulce, napalayas na sa mga tinitirhan nila dahil di na makabayad ng renta sa bahay.

“May puwesto raw (sa loob ng mga mall ng Divisoria),” ani Aling Dulce, pero P1,000 kada araw ang bayad. Luging lugi sila.

Sa halos dalawang oras na pakikipanayam ng Pinoy Weekly, tatlong beses natigil ang pakikipag-usap kina Aling Gloria at Aling Dulce. May balita kasi ng paparating na mga pulis at hawkers. Kaya kailangan nilang itabi ang mga paninda nila. Mababait naman daw ang mga vendor na may puwesto sa mismong mga bilding sa Divisoria. Pinapayagan silang tumabi sa mga puwesto nila kapag may nanghuhuli.

Holiday rush sa Divisoria. <b>KR Guda</b>

Holiday rush sa Divisoria. KR Guda

“Sa isang kanto, mga 50 ang nagtitinda,” kuwento ni Aling Dulce.

Kaya sa kabuuan, sa bahagi ng Divisoria na malapit sa Binondo, di-bababa na 500 ang vendors. Kung galing ka ng Isetann Mall sa Recto (ilalim ng LRT-2 Line), mula Abad Santos, Soler, Juan Luna, Ylaya, Tabora, Carmen Planas, Santo Cristo, Elcano hanggang Asuncion — mahigit 10 bloke ng bilding ito na puno ng vendors.

Sa kabilang kalsada pa, sa bahagi na malapit sa Tondo. Kaya di-bababa sa 1,000 ang vendors – at baka umabot pa nga ng hanggang 5,000 – na nadiskaril ang hanapbuhay dahil sa clearing operations sa Lungsod ng Maynila.

Ang paliwanag daw ng City Hall, may Memorandum Circular No. 2019-121 ang dating heneral at ngayo’y kinatawan ng Department of Interior and Local Government (DILG) na si Eduardo Ano, na nag-uutos sa mga lokal na gobyerno na linisin ang mga kalsada at bangketa bilang bahagi ng paglulutas ng administrasyong Duterte sa problema sa trapiko sa bansa.

Pero ang ipinagtataka ng vendors ng Divisoria, hindi naman talaga sila nakakaharang sa daan ng mga tao. Isa pa, iyung nilinis din ng City Hall na mga kalsada sa Divisoria, ginawang paid parking nito. Iyung lanes na pinakamalapit sa magkabilang mga bilding ng C.M. Recto, pinagpaparadahan na sa pribadong mga sasakyan.

P30, minsan P50 kada oras ang bayad,” kuwento pa ni Aling Dulce. Pribadong mga sasakayan umano ang kadalasang pumaparada – iyung mga namimili sa mga mall o tindahan ng Divisoria. Ibig sabihin, kumikita dito ang City Hall. Mas malakas umano ang kita nito kaysa sa kanilang mahihirap na vendors na nagbabayad noon sa City Hall.

“Marumi raw kami. Dugyot daw kami,” ani Aling Dulce, kaya winawalis ang mga vendor ng Divisoria. Anila, hindi naman sila tutol sa paglilinis ng mga kalsada. Katunayan, sila pa mismo ang naglilinis umano sa mga kalsada malapit sa mga puwesto nila. “Lahat naman ng kagustuhan niya, gagawin namin. Ginagalang namin ang desisyon niya. Gusto lang naming makapaghanapbuhay.”

Sa kagyat, ang hinihiling lang sana nila, kahit ngayong Kapaskuhan ay payagan silang magtinda. Huwag hulihin, at huwag ituring na parang daga – kundi mga mamamayang naghahanapbuhay lang nang marangal.

Hanapbuhay lang ang hiling nila. <b>Kontribusyon</b>

Hanapbuhay lang ang hiling nila. Kontribusyon

Para kay Rose Bihag, pangkalahatang kalihim ng tsapter sa Manila ng grupong pangkababaihan ng Gabriela, lumalabas na anumang “kaunlarang” gustong makamit, kapwa ng lokal at pambansang gobyerno, ay hindi kasama ang mahihirap tulad ng vendors. “Mapapansin natin na ‘yung pag-unlad (na itinutulak) ng LGU hanggang national government, hindi kasama ang mga maralita ng Tondo,” ani Rose, na lider din ng Gabriela sa Tondo. Inihalintulad niya ang pag-eetsapuwera ng vendors sa planong pagpapalayas sa mga maralitang nakatira sa Katuparan Building sa Vitas sa Tondo. Sa prisintasyon kasi ng National Housing Authority, plano nilang magtayo ng walong bagong bilding na pabahay na may 14 hanggang 16 palapag. “Pero ang hitsura ay mala-(Urban) Deca Homes,” aniya, patungol sa komersiyal na condominiums sa bansa. Malinaw na hindi umano ito kaya ng mga maralita ng Katuparan.

Kahit ang pagpapalayas sa mga vendor sa kalsada ng Divisoria para gawing paid parking ng pribadong mga sasakyan, hindi umano nakatuon sa mga maralita. Gayundin ang pagpapalayas kina Aling Gloria sa Soler Street. “Kasi Mabuhay Lane daw ito,” aniya, patungkol sa programa ng Metro Manila Development Authority na maglaan ng mga alternatibong daanan ng pribadong mga sasakyan para makaiwas sa trapiko.

Samantala, ang lokal na pamahalaan ng Maynila naman, itinuturo ang DILG Memo Circular No. 2019-121, na susog daw sa talumpati ni Pangulong Duterte sa State of the Nation Address noong Hulyo na nagsasabing dapat linisin ang pampublikong mga daanan para maibsan ang trapiko. Pero trapiko ba talaga ang nilulutas nito?

Sabi ng vendors na nakapanayam ng Pinoy Weekly, nangangamba silang sinasagawa ang “paglinis” sa Divisoria para sa expansion ng pribadong negosyo rito, tulad ng pagpasok ng Ayala Land sa Tutuban Center. Noong 2016, pag-aari na ng Ayala Land ang mahigit 50 porsiyento ng Prime Orion na siyang nagpapatakbo sa Tutuban Center. Ang lugar na ito, nakatakdang lalong maging mahalaga sa malalaking kompanya tulad ng Ayala dahil sa proyektong pagsasaayos ng North Rail ng Philippine National Railway (PNR). May plano ring ekstensiyon ang LRT-3 na linya ng tren hanggang Recto Avenue sa may Isetann Mall patungong Divisoria. May plano ring umabot rito ang South Rail.

Lumalabas, ayon kay Rose, isinasagawa ang malawakang pagwawalis sa mga vendor bilang paghahanda sa pagpasok ng malalaking negosyo rito.

Anu’t anuman, malinaw ang desperasyon ng mga vendor lalo pa’t papalapit na ang Pasko. Noong nakaraang buwan, nagprotesta ang daan-daang vendor ng Divisoria sa tapat ng Manila City Hall. Hinihiling nila na dinggin sila ng kanilang bagong meyor – ang meyor na nagmula mismo sa Tondo, nagmula mismo sa hirap.

Hindi sila hinarap ng kanilang meyor. Sa ngayon, patuloy ang pagragasa ng isa pang meyor – iyung nasa Malakanyang ngayon, kasama ang heneral niya sa DILG – sa kabuhayan ng mga vendor sa Divisoria, sa Kamaynilaan, at sa buong bansa.

‘Tiwangwang na pabahay, ipagamit sa nadisloka sa pagputok ng Taal’

$
0
0

Nanawagan ang Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay), grupo ng maralitang lungsod, na ipagamit ang tiwangwang na mga pabahay sa Calabarzon para sa mga inilikas na mga mamamayan bunsod ng pag-aalboroto ng bulkang Taal sa Batangas.

Giit ng grupo, bilang tugon sa hinaharap na kalamidad, nararapat na ipagamit sa mga apektado ang mga yunit ng pampublikong pabahay na malapit sa evacuation centers.

“Hindi sapat at hindi handa ang marami sa mga evacuation center. Tiyak dadami pa ang lilikas. Ang paninirahan ay karapatan ng bawat isa, at lalong dapat itaguyod ito sa panahon ng disaster kung kailan hindi ito natatamasa ng mga pinakamahihirap sa atin. Bakit hindi pakinabangan ang mga malalapit na mga pabahay na gobyerno na hindi naman tinirhan?” ani Gloria “Ka Bea” Arellano, tagapangulo ng Kadamay.

Tiwangwang o di okupadong mga pabahay ng gobyerno, maaaring ipagamit na lang sa mga nadisloka sa pagputok ng bulkang Taal, ayon sa Kadamay. <b>Kontribusyon</b>

Tiwangwang o di okupadong mga pabahay ng gobyerno, maaaring ipagamit na lang sa mga nadisloka sa pagputok ng bulkang Taal, ayon sa Kadamay. Kontribusyon

Tinatayang aabot sa 30,000 pamilya na ang inilikas sa mga evacuation centers at inaasahang madagdagan pa sa paglipas ng mga araw habang inaasahan ang pagputok ng naturang bulkan na ngayo’y nasa alert level 4 pa rin.

Ayon pa sa Kadamay, may mga pabahay para sa unipormadong tauhan ang nanatiling bakante at hindi nagagamit sa ilang mga lugar malapit sa Taal. Tinukoy ng grupo ang mga pabahay sa mga barangay tulad ng Talaibon sa Ibaan at San Miguel at Sto Tomas, kapwa sa Batangas, na maaaring gamitin. Gayundin, ang tatlong barangay sa Trece Martires, dalawa sa Amadeo at isa sa General Trias sa Cavite.

Dagdag pa ni Arellano, sa kabila ng paglahok ng ‘di mabilang na mga organisasyon at mga concerned citizen sa relief efforts, nanatiling hawak ng administrasyon ang kapangyarihan sa maraming rekurso tulad ng pampublikong pabahay.

“Napakalaki ng rekurso ng gobyerno. Imbis na manawagan pa muna ng donasyon, patunay ang mga pabahay na ito sa natutulog na mga rekurso ng publiko na dapat gamitin sa kagyat para tumulong sa ating mga kababayan. Dapat ihanda na rin ang sapat na tubig at iba pang pangangailangan,” ayon kay  Arellano.

Idiniin ng grupo na bukod sa nararapat gamitin ang mga pampublikong pabahay bilang rekurso sa mga sitwastyon ng emergency tulad nito, kinakailangan din ang komprehensibong plano sa pabahay kaugnay ng mga sakuna at kalamidad.

Ibinunyag ng grupo na ang mga naturang pabahay ay hindi nagagamit sa kabila ng pagpasa ni Pangulong Duterte ng Joint Resolution 2 noong Mayo 2018. Naipamahagi diumano, ayon sa  ulat ng Commission on Audit, ang mga tiwangwang na yunit ng pabahay noong Marso 2019. Sa kabila nito, marami pa rin ang mga bakanteng yunit na maaaring magamit upang may matuluyan ang mga nasa evacuation centers.

“Hindi ba maaring gamitin ang mga housing site para dito? Ang napakaraming malalawak na espasyo ay maaari ding pakinabangan. Magiging mapagpasya ang bilis ng tugon ng pamahalaan para dito,” pagtatapos ni Arellano.

Bayanihan kontra Covid-19

$
0
0

“Walang namamatay sa gutom. Kahit isang buwan (na gutom), di ka pa mamamatay.” Ito ang sabi ng tagapagsalita ni Pangulong Duterte na si Salvador Panelo noong Marso 18 nang ideklara ang “community quarantine” sa Kamaynilaan at bago ang “enhanced community quarantine” sa Luzon. Dahil ito sa pagkalat ng sakit na coronavirus disease 2019 (Covid-19) sa buong mundo, kabilang ang Pilipinas.

Pero mahigit isang linggo lang ng “lockdown”, napabulaanan na ito. Noong Marso 23, Martes, nangalampag na sa harap ng barangay hall ang ilang residente ng Brgy. Muzon, sa bayan ng Taytay, Rizal. Kuwento ng tinderang nakasaksi, “nagwelga sila, kasi wala namang nakakarating na relief goods sa kanila.”

Kumalat ang isang bidyo ng naturang protesta sa Facebook. Dala-dala umano ng mga residenteng nagprotesta ang kanilang mga kalderong walang laman. Kinalampag nila ito sa harap ng barangay hall. Humihingi sila ng relief goods. Wala raw nakakarating sa kanilang lugar, sa kabila ng mga pahayag ng opisyal ng barangay at munisipyo na mabibigyan ang mga “poorest of the poor.”

Isang pangyayari na nagtulak sa kanilang magprotesta: may namatay daw na kapitbahay ang mga residenteng nagwelga. “May namatay kasi d’yan sa Papillon St. Hindi siya namatay sa Covid. Namatay siya sa gutom,” sabi ng tindera.

Construction worker siya, may sakit na gastro intestinal (infection). Napilitan siyang umuwi noong lockdown. Wala namang pera, mahirap lang. Walang makain, kaya namatay,” aniya. Idinagdag pa ng tindera na wala pang aksiyon ang barangay sa mga nagwelgang residente. “Nganga. Walang ibinigay na relief,” sabi niya. Ayon sa nagbibidyo, hindi man lang daw lumabas ang kapitan.

Isang linggo na ang “enchanced community quarantine” sa buong Luzon dahil sa kumakalat na virus na Covid-19. Pero wala pa ring malinaw na plano ang gobyerno. Ipinasa pa ng gobyerno ang mabigat na responsabilidad sa lokal na mga pamahalaan na hindi pare-parehas ang kakayanan sa pagtugon pandemyang Covid-19.

Nagugutom na sila

Marami ang kumakalat sa social media na kuwento ng hirap at gutom sa panahon ng “enhanced community quarantine” ng rehimeng Duterte. Isa na rito ang kuwento ni Nanay Evelyn, tindera sa underpass ng Lawton sa Maynila.

“Tatlumpung taon na akong nakatira at nagtitinda sa Lawton underpass,” ani Nanay Evelyn. Dahil daw sa lockdown, ilang araw na siyang walang kabuhayan. Ilang araw na ring hindi nakakakain nang maayos.

“Wala pa kaming natatanggap na anumang tulong sa gobyerno. Ang mahirap pa, kapag kagat ng dilim, kailangan naming magtago sa barangay tanod at mga pulis,” aniya.

Kapag nahuli kasi sila, itatapon lang sila sa malayo o ikukulong. Senior citizen na si Nanay Evelyn, isa sa pinakabulnerable sa Covid-19.

Lahat marahil ng barangay, komunidad at kabahayan ng mga maralita sa Kamaynilaan, at gayundin sa buong bansa, ang dumaranas ng gutom at hirap. Hindi makapagtrabaho ang kalakhan ng mga manggagawa sa iba’t ibang empresa, serbisyo, opisina. Ang mga nagtitinda, nagtatraysikel, nagpapadyak o nagdadrayb ng jeep, hindi na rin makapagtinda o makapagbiyahe.

Samantalang iginigiit ng mga mamamayan ang agarang ayuda sa kanila ng pambansa at lokal na gobyerno, may sariling inisyatiba ang maraming komunidad para magtulungang maitawid ang gutom at makapagbigay ng kaunting serbisyo sa kapwa maralita.

Bayanihan

Sa diwang ito tinayo ng iba’t ibang sektor ang Citizens’ Urgent Response to End Covid-19 (Cure Covid) sa Kamaynilaan. Iba’t ibang komunidad ng mga maralita, katulad ng sa Marikina, Tondo, Bagong Silangan sa Quezon City, Navotas, Commonwealth Avenue, San Jose del Monte sa Bulacan, Taytay sa Rizal, at iba pa, ang nag-inisyatiba para itatag ito, sa pangunguna ng iba’t ibang organisasyon ng masa katulad ng Kilusang Mayo Uno (KMU), Anakbayan, Gabriela, Confederation for Unity, Recogntion and Advancement of Government Employees (Courage), Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) at Migrante International.

Sa Brgy. Industrial Valley Complex sa Marikina, pinangunahan ang Cure Covid ni Kagawad Libby Dipon, na isa ring daycare school teacher at lider ng Gabriela Women’s Party sa lugar. Sa tulong ng mga kaibigan, nakapangalap sila ng mga donasyong bigas at pagkain, habang mismong mga maralitang drayber ng traysikel na nawalan ng kabuhayan ang napapakilos ng Cure Covid na magsagawa ng repacking at mamahagi sa mga bahay.

Gamit ang padyak ng mga boluntir ng Cure Covid, nakakapag-ikot din sila sa barangay para magpakain ng lugaw sa mga bata at iba pang gustong kumain. At ang lugaw, niluto ng mga drayber, kaanak nila at iba pang boluntir.

Ang nakita kasi namin ngayon, ang nawawala ay bayanihan,” ani Kagawad Libby, kaya sinikap nilang buhayin ang diwa nito sa Cure Covid. Ang kaiba rito sa ibang relief missions: Sila-silang mga maralita ang nagtutulungan, nangangalap ng donasyong pagkain, pera at kagamitan. Mga maralitang umaayuda sa kapwa maralita.

HAPAG KAINAN. Pamamahagi ng #BarangayDamayan ng Kadamay, inisyatiba sa ilalim ng Cure Covid, ng mga pagkain sa mga walang tahanan sa Liwasang Bonifacio. <b>Cure Covid/#BarangayDamayan</b>

HAPAG KAINAN. Pamamahagi ng #BarangayDamayan ng Kadamay, inisyatiba sa ilalim ng Cure Covid, ng mga pagkain sa mga walang tahanan sa Liwasang Bonifacio. Cure Covid/#BarangayDamayan

Iba pang komunidad

Ganun din ang ginagawa ngayon sa Brgy. Bagong Silangan sa Quezon City, kung saan pinangungunahan ang Cure Covid ng parokyang San Isidro Labrador sa ilalim ni Fr. Gilbert Billena, OCarm.

“Talagang nararamdaman na ng mga tao ang kagutuman. Kaya nag-setup kami ng isang drive thru para mamigay ng lutong pagkain. Kasi yung mga vendor, traysikel drayber, mga mangangalakal ng basura, talagang wala nang makain,” ani Fr. Gilbert.

Sa parokyang ito, nagtulung-tulong ang mga nanay na residente na magtahi ng face masks. Nanghihingi na lang sila ng donasyong mga di-gamit na cotton na mga tela o damit at sinulid.

Ganun din ang ginawa ng Cure Covid na mga residente ng Market 3 sa Navotas City: nagtahi at namahagi ng face masks, kasama ang mga alkohol at relief goods.

Kuwento kasi ng mga taga-Market 3, wala nang makain ang mga tao sa loob ng fishport. Dahil sa lockdown, hindi makapasok ang mga manlalaot mula sa Palawan at Masbate upang magbagsak ng isda sa Navotas. Mangangahulugan ito na mawawalan ng pambenta ang mga taga-Navotas at dahil kakaunti o walang gaanong bumibili sa palengke sa Navotas, nagbabawas ang mga trader ng laborer dahil wala rin silang pampasahod.

Hindi nalimita sa pagayuda sa mga maralita ang Cure Covid. Kahit ang mga manggagawa ng Nexperia, isang kompanyang gumagawa ng semiconductors at iba pang elektronikong bahagi ng mga gaheto, sa Cabuyao, Laguna, nag-inisyatibang mangalap ng pondo para makabili ng personal protective equipment (PPE). Binigay din nila ito sa frontline health workers sa iba’t ibang ospital.

Health workers sa Laguna na naayudahan ng PPEs ng mga manggagawa ng Nexperia. <b>Kontribusyon</b>

Health workers sa Laguna na naayudahan ng PPEs ng mga manggagawa ng Nexperia. Kontribusyon

May panawagan din sa gobyerno

Siyempre, kulang at napakaliit na bahagi lang ng aktuwal na pangangailangan ng nagugutom nang mga mamamayan ang maaaring mabigay ng Cure Covid at iba pang katulad na inisyatiba.

Ang may kakayahan at rekurso para mapakain at maserbisyuhan ang mga maralita ay ang gobyerno. Ang problema, ang kasalukuyang rehimeng Duterte, inuuna na ang militaristang pagtugon sa krisis sa Covid-19: paghihigpit sa pagkilos ng mga tao, pagtakda ng curfew, at pagpaparusa sa mga lumalabag dito.

Kaya di maiwasang manawagan pa rin sa gobyerno na agarang tugunan ang epekto ng krisis na ito sa mga mamamayan. Para sa Cure Covid, nakabungkos ang mga panawagang ito sa tatlo: kalusugan, kabuhayan at karapatan.

Sa kalusugan, unang panawagan ang agarang solusyong medikal sa pagkalat ng Covid-19. Sa halip na aksiyong militarista (na nagbubunsod ng mga paglabag sa karapatan ng mga mamamayan), kailangang isagawa ang mass testing o malawakang testing sa mga taong may sintomas, matatanda at maysakit, at frontline health workers. Pangalawa, panawagang pondohan ang paglaban sa mismong virus.

“Dapat ilaan ang malaking bahagi nito sa prevention, monitoring, testing at treatment (ng sakit),” pahayag ng Cure Covid. Pati ang pag-empleyo ng dagdag na frontline health workers, dapat pondohan. Pangatlong panawagan ang pagsasagawa ng antas-komunidad na mga hakbang katulad ng information drive kaugnay ng Covid-19, pamamahagi ng libreng face masks, alkohol at vitamin C, at mass disinfection ng mga paaralan, palengke, bahayan at mga karaniwang tipunan ng tao.

Sa kabuhayan, pang-apat na panawagan ang pagtitiyak sa kapakanan ng mga manggagawa. Tiyakin ang kaligtasan at kalusugan nila sa lugar ng trabaho, pero tiyakin din ang kaseguruhan nila sa trabaho at benepisyo, lalo na sa mga hindi makapasok. Sa mga pumapasok pa, tiyakin ang serbisyong transportasyon mula bahay papuntang lugar ng trabaho at pabalik.

Bahagi ng panawagan sa kabuhayan ang panglima: istriktong imonitor at kontrolin ang presyo ng batayang mga bilihin tulad ng pagkain, alkohol at sabon. Panawagan ding tiyakin ang tulong pinansiyal sa bulnerableng mga pamilya at komunidad, lalo na sa pinakamahihirap. Panganim na panawagan ang pagtiyak sa serbisyong tubig. “Kagyat na solusyonan ng Maynilad at Manila Water ang palpak at pawalawalang serbisyo sa tubig. Kinakailangang tiyakin ang 24/7 na suplay ng tubig sa mga kabahayan para sa paghuhugas ng kamay,” sabi pa ng Cure Covid.

Taliwas sa alam ni Panelo, nagugutom ang mga mamamayan. Hindi lang Covid-19 ang papatay sa kanila, kung sakali, kundi gutom. Ito rin ang magtutulak sa kanilang kumilos para igiit ang karapatan.

Silang dumagsa sa EDSA sa panahon ng Corona

$
0
0
  • Screen Shot ng dispersal sa EDSA, mula sa video ng DZRH

Parang hinang-hina na si Bernadeth Caboboy, 32.

Alas-tres ng hapon, nakasalampak na lang siya sa isa sa labi ng mga nagibang bahay sa looban ng Sitio San Roque, Quezon City. Karga niya ang tatlong taong gulang na anak, tulog. “May lagnat nga,” sabi ni Bernadeth, sabay haplos ng noo nito. Napalo raw ng pulis kanina ang bata. Ipinakita niya ang namumulang likod. Maga ang paa.

Dala kasi ng asawa niyang si Ereberth ang bata kaninang umaga. Nakapila sila sa tabi ng EDSA, sa tapat ng di-tapos na mga condominium ng Alveo Land. Sa isa sa di-tapos na mga gusali dating nagtrabaho si Ereberth bilang manggagawa sa konstruksiyon. Tulad ng trabaho ng halos lahat bago ang Marso 17, natigil ang trabaho niya nang ianunsiyo ni Presidente Duterte ang enhanced community quarantine sa buong Luzon dahil sa pagkalat ng coronavirus disease-2019 (Covid-19).

“Hindi kasi niya nakuha ang sahod niya (bago natigil ang trabaho),” kuwento ni Bernadeth. Hindi rin niya nakuha ang 13th month pay niya na ipinanawagan ni Duterte sa mga employer na ibigay sa mga trabahante. “Wala na kaming pambili ng pagkain.”

Mag-aalas-10 ng umaga na iyun. Sumunod si Bernadeth sa asawa at anak na nakapila na. Nakita niya ang simula ng gulo. “Dumating ang mga pulis, pinaaalis sila. Ayun, nagkagulo na,” aniya.

Nandun din sa EDSA noong umaga si Fe Seduco. “Bago mag-alas-10, ‘yung mga tao galing Dubai (isang lugar sa San Roque), nagtakbuhan papuntang EDSA,” aniya. Nakita niya ito, at tinanong ang isa sa mga papunta. “Ano’ng meron, bakit andaming tao?” Ang sabi ng natanungan, may bigayan daw doon sa EDSA. Nagpunta rin siya. Bigayan yun ng relief, na kailangang-kailangan na ng mga residente.

Marami nang nauna sa kanya. Kaya nahuli si Nanay Fe. “Andami nang tao. Tapos, ilista raw ang mga pangalan. Eh di nilista rin namin mga pangalan namin.” Tantiya niya, humigit-kumulang 500 katao ang nandun galing San Roque. “Kasi kung sa listahan lang nila, ilang papel ‘yun, puno lahat ‘yun.”

Pinagtataboy ng mga pulis ang mga tao, kuwento pa ni Nanay Fe. Nagalit sila. Bakit nga naman sila itataboy, eh may hinihintay silang relief? Gutom na ang mga pamilya nila. “Ayaw pumasok ng mga tao sa loob (ng komunidad). Pinapapasok na sila ng mga pulis. Giniit nila ’yung panawagan. Gutom na kami at walang ayuda,” aniya. May namato sa mga pulis. Mabilis na sinugod sila ng mga alagad ng Quezon City Police District (QCPD). May utos daw ang isang Rannie Ludovica, action officer ng Quezon City Task Force Disiplina.

Kasama sa mga nahataw si Ereberth, na bitbit nga ang anak niya. Naabutan na siya ni Bernadeth, at nakuha pa ang anak. Inaresto ng mga pulis si Ereberth, at 20 iba pa.

Pinakita ni Bernadeth ang namamagang paa ng kanyang tatlong taong gulang na anak. <b>KR Guda</b>

Pinakita ni Bernadeth ang namamagang paa ng kanyang tatlong taong gulang na anak. KR Guda

* * *

Nakausap ni Nanay Fe si Ludovica matapos ang gulo. Ang sabi umano niya, hindi talaga nakakatanggap ang mga tao sa lugar na iyon ng San Roque ng relief goods. May nakuha raw sila sa barangay, pero isang kilong bigas, isang de-lata, isang instant noodles at kape. Siyempre, naubos din iyun.

“Maghintay lang kayo,” sabi raw ni Ludovica. Malaki raw ang Quezon City, hindi agad mapapamahagi ang relief goods sa nangangailangan. “May sumagot sa amin: Kailan mabibigay, kung patay na kami sa gutom?” Sabi raw ni Ludovica: “Mas mabuti pang mamatay sa gutom kaysa sa virus (Covid-19), kasi makakahawa ka sa virus. Siyempre, hindi maganda sa amin pakinggan iyun.”

“Kung mamigay kasi kayo, huwag n’yo nang idaan sa barangay, o papilahin ang mga tao. I-house-to-house ninyo. At saka hindi lang sa isang bahay, isa lang ang ibigay ninyo. Kasi sa isang bahay, hindi lang isang pamilya ang nandiyan. Sa isang bahay, may dalawa, tatlong pamilya ang nandiyang nakatira kasi extended family ang mga nandiyan,” ani Nanay Fe.

Galit na galit ang mga tao, ani Nanay Fe. Pero siyempre, hindi na sila makakibo. Dalawampu’t isa sa kanilang mga kapitbahay, dinampot at naghihintay ngayon ng kaso – dahil lang minalas silang mahuli ng pulis sa kaguluhang iyun.

Ikinuwento ni Nanay Fe ang posibleng dahilan kung bakit nagpuntahan sa EDSA ang mga residente. “Meron kasing nagtitinda sa may EDSA. Binigyan daw ng relief goods. ’Yung isa lang na tagarito. Binigyan siya ng mga 25 kilo (ng bigas) siguro ’yun. Channel 5 (estasyon ng telebisyon) ang nagbigay sa kanila. Ang sabi raw, maglista (ng mga taong gusto ng relief goods),” kuwento niya.

Siyempre, sabi pa niya, kapag nakarinig ang mga tao na may magbibigay, talagang pupunta sila. Desperado na sila.

Screen shot ng bidyo ng DZRH sa marahas na dispersal ng mga pulis malapit sa tinatayong condominium ng Alveo Land sa EDSA, Quezon City nitong Abril 1 ng umaga.

Screen shot ng bidyo ng DZRH sa marahas na dispersal ng mga pulis malapit sa tinatayong condominium ng Alveo Land sa EDSA, Quezon City nitong Abril 1 ng umaga.

* * *

Habang kinapanayam ng Pinoy Weekly sina Nanay Fe at Bernadeth, nakabilad sa araw ang daan-daang residente ng San Roque.

Ito na siguro iyung dapat na mamimigay ng relief sa umaga, pero hapon na dumating. Nakapila silang mga residente, dikit-dikit. Mula sa di-sementado at alikabuking kalsada ng Alveo Land hanggang sa looban ang pila. May matatanda, may mga nanay na bitbit ang mga sanggol nila. Nagsisikap ang ilan sa social distancing: may face masks silang suot. Pero sa sitwasyong iyun, tila luho na ang ibukod pa ang sarili sa iba.

Sa likod ng pila, higanteng tila nakatanaw sa kanila ang di-tapos na condominium ng Alveo Land. Marami sa mga nakapila, katulad ni Ereberth na manggagawa sa konstruksiyon sa bilding na ito.

Mamamahagi raw ng relief goods ang ACT-CIS Party-list, isang party-list na dikit sa mga brodkaster na pagkakapatid na Tulfo. Nakasuot ng t-shirt ng naturang partido ang mga namamahagi. May sasakyan ng News 5 sa malapit – estasyon ng telebisyon kung saan isa sa nangungunang programa ang “Raffy Tulfo in Action.”

Umaalingawngaw sa lugar ang sigaw ng mga pulis. “Umayos kayo ng pila! Ang hindi umayos, hindi mabibigyan!” Parang ahas na paliku-liko na ang pila. Sa harapan nito, saku-sakong bigas. Hindi na tinitimbang, tantiyahan na lang ang bigay sa mga nasa unahan ng pila.

Sa kabila, inaabutan sila ng isang dakot ng tuyo. Kinakamay lang ng nag-aabot. Tila balewala na sa lahat ng protokol o tagubilin sa pag-iwas sa sakit na Covid-19. Kung mayroong maysakit doon, sa pilang iyun, o sa mga namimigay, siguradong kakalat na ang sakit sa kanila.

Napansin ng manunulat na ito ang isa sa mga pulis na nag-aayos ng pila. “Culanculan” ang pangalang nasa nameplate ng uniporme niya. Nakipagtinginan siya sa manunulat na ito, at napangiti – kahit na nakatakip ng face mask ang mukha.

“Grabe ano,” sabi ni Culanculan na pulis. “Sa totoo lang, nagugutom naman talaga kasi ang mga tao. Kung ako lang maraming pera, papakainin ko sila lahat.”

Kaiba sa mahinahong pakikipag-usap ng pulis na iyun ang nagkokomand sa mga residente na umayos ng pila, sa katirikan ng araw, habang kumakalam ang kanilang mga sikmura.

Sa panayam ng Pinoy Weekly sa kapitan ng Brgy. Bagong Pag-asa na sumasakop sa San Roque, sinabi ni Kap. Rodolfo Palma na sa kanyang palagay, “hindi tama” ang ginawang siksikang pagpapapila sa mga residente para mamahagi ng relief goods.

Si Pcpl Culculan, nagbabantay sa pila ng mga residente ng San Roque. <b>KR Guda</b>

Si Pcpl Culculan, nagbabantay sa pila ng mga residente ng San Roque. KR Guda

* * *

“Tinutulungan na po natin ang mister ninyo at iyung mga nahuli,” bulong ng isang miyembro ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) na tumabi kay Bernadeth at sa anak niya matapos ang panayam sa Pinoy Weekly.

“Nandun na po ang isa sa amin sa City Hall. May komitment si Quezon City Mayor Joy Belmonte na kakausapin niya ang QCPD na palayain na ang mga nahuli,” sabi ng taga-Kadamay. Tumakbo kasi ang mga miyembro nila sa City Hall noong hapong iyun para magsilbing paralegal volunteers sa mga nahuli. Hindi man sila naging bahagi ng insidente sa EDSA noong umagang iyon, itinuring pa rin nilang obligasyon na umayuda sa mga nahuli.

Napahinga nang malalim si Bernadeth. Lalong mas mahirap, aniya, ang paghanap ng makakain kung wala ang asawa niya. Poproblemahin pa nila ang pagbisita sa nakakulong na asawa, ang panggastos sa anumang legal na pangangailangan ni Ereberth. Pangkain nga nila, wala, pambayad pa kaya ng abogado.

Pero di nagtagal ang kaluwagan sa loob niya. Ilang minuto matapos, may pumasok na text sa cellphone ng taga-Kadamay. Kausap ni Gabriela Rep. Arlene Brosas ang hepe ng QCPD, si Col. Ronnie Montejo. Tutuluyan na raw nilang kasuhan ang 21 residente ng San Roque. May bumulong na taga-City Hall sa mga taga-Kadamay: utos daw mismo ni Eduardo Año, retiradong heneral ng Armed Forces of the Philippines at kalihim ng Department of Interior and Local Government at vice-chair ng National Task Force para sa Covid-19 (na ngayo’y dapat nagse-self-quarantine kasi positibo sa Covid-19), na tuluyan nang kasuhan ang 21 “bilang leksiyon.”

Kinagabihan, kinumpirma ito ni Pangulong Duterte mismo. Inaakusahan niya ang Kadamay na instigador daw ng gulo sa San Roque. At tutuluyan niyang ikulong ang mga taga-San Roque. Nagbanta pa siya sa progresibong mga organisasyon na kung magpoprotesta at kokontrahin ang enhanced community quarantine, may utos daw siyang “pagbabarilin” o hulihin ang mga ito.

“My orders are sa pulis pati military, pati mga barangay na pagka ginulo at nagkaroon ng okasyon na lumaban at ang buhay ninyo ay nalagay sa alanganin, shoot them dead,” sabi ni Duterte, sa kanyang talumpati noong gabing iyon.

Pero noong hapon ng araw na iyon, hindi alintana ng mga residente ng Sitio San Roque ang mga banta, o magiging banta sa kanila. Sa panawagan ng Kadamay, sa harap ng mga mamamahayag ng iba’t ibang TV networks na pumunta sa San Roque, nagsagawa sila ng programa para kondenahin ang dispersal at paghuli sa mga kapitbahay nila.

“Tulong, hindi kulong!” sabi ng isang karatula. “Bigas, hindi rehas!” sabi naman ng isa. “Ang nagsasabi sa ating kumilos ay hindi sulsol ng kung sino,” sabi ng isang tagapagsalita, “kundi kalam ng gutom na sikmura!”

"Social distancing" habang nagsasagawa ng programa para kondenahin ang naganap noong umaga ng Abril 1 sa mga residente ng Sitio San Roque. <b>KR Guda</b>

“Social distancing” habang nagsasagawa ng programa para kondenahin ang naganap noong umaga ng Abril 1 sa mga residente ng Sitio San Roque. KR Guda

Silang walang tahanan at istranded sa Kamaynilaan

$
0
0

Mahigit isang buwan nang eksena ang maluwag, tahimik, halos di nadaraanang malalaking kalye sa Quezon City. Madalang ang bumibiyaheng pribadong sasakyan. Sinita sa mga tsekpoint mula matapos ang Mahal na Araw ang mga motoristang “di-esensiyal” ang biyahe.

Sa pagbiyahe ko sa mga kalyeng inilarawan, tumambad ang ilang manininda ng bottled water at softdrinks. Kasama niya ang isa pa, may hawak ng lata at karatula, at humihingi ng kaunting ayuda, pera man o pagkain.

Samantala, isang bata ang kumakatok sa mga sasakyan. Inabot namin ang isang balot ng bigas. Masayang kumaripas ng takbo ang bata matapos matanggap ang balot. Pumunta siya sa kanilang kariton sa tabi ng kalye. May kasama siya, maaaring nanay ng bata. Tuwang tuwa siyang ipinakita ang karampot na balot ng bigas.

Pero hindi pa iyon ang tungo namin.

Sa likuran ng National Press Club, patungong Intramuros at sa ilalim ng tulay ng Sta. Cruz Manila, tumambad sa amin ang ilang tao. Maaaring mga nagmamaneho ng padyak, ng kuliglig, doon sila nagmula sa mga nakaparadang traysikel nila. Muli ang eksena ng paghingi. Ipinarada namin ang sasakyan. “Pila kayo ha,” at minabuti naman nilang pumila.

Pero ang akala naming 10 katao lang o higit pa, kalauna’y nadagdagan. May humabol pa ng hingi mula sa kung saan na hindi na namin alam. May mga nakatago pa palang ibang pamilya. Ang iba, maaaring nagdoble na ng hingi.

“Salamat at may tulad ninyong dumaraan dito para bigyan kami,” sabi ng isang nanay, bitbit ang kanyang anak. Lahat sila, walang facemask. Hindi na siguro maganda pang tanungin kung bakit wala silang proteksiyon sa sakit na coronavirus disease-2019 (Covid-19). Ang sumunod na tanong na lang ang mahalaga: wala ba silang nakuhang ayuda sa pamahalaan?

“Hindi naman kasi kami botante,” aniya. “Wala rin kaming ipapakitang ID. Di bay ‘yun daw ang hinahanap?”

Paglisan namin sa mga ilalim ng tulay, may nakita kaming may hawak na karatula. Ganoon pa rin ang panawagan. “Nakatira ako sa Camarin (Caloocan), inabutan na ako ng lockdown. Wala akong maiuwi, kaya dito muna ako sa Maynila,” aniya. Isa raw siyang tagaluto sa karinderya, pero huminto ang pagbebenta dahil sa enhanced community quarantine (ECQ).

“May ID naman ako, pero talagang hindi pa ako mabigyan, dahil siguro hindi dito ang address ko (sa Camarin),” aniya.

Kuha ni <b>Darius Galang</b>

Mga kuha ni Darius Galang

Konstruksiyong natigil

Mahabang biyahe mula Maynila hanggang Pasig naman ang tinahak namin. Alam namin ang eksena doon: may ilang construction worker ang nakakulong sa loob ng ginagawang gusali, at hindi nabibigyan ng ayuda.

Pagdating namin doon, tambad ang eksenang may nag-abot ng dalawang malaking bag ng sabong panlaba. Nilapitan ko ang isa, Nelson daw ang pangalan niya. “May pagkain naman kami, salamat sa mga nagbigay na nitong mga nagdaang mga araw,” ani Nelson.

Hindi lang pala isang ginagawang gusali sa Ortigas ang may ganitong eksena. Sabi ng isang taong nagbigay ng ayuda na nakausap namin, may ilan pang gusali sa Pasig ang may mga manggagawang parehas na sinasapit ngayon.

Kumalat ang kuwento sa social media ng mg na-trap ng lockdown sa kani-kanilang mga pagawaan nitong mga nagdaang mga araw.

Ang ibang kuwento, hindi na sila nakakakain. At bakit nga ba sila bibigyan ng ayuda ng lokal na pamahalaan kung hindi sila residente? Malalayong lugar ang pinanggalingan ng mga construction worker, hindi lang sa labas ng Metro Manila kundi sa labas mismo ng Luzon. “Galing kami sa Mindoro, sa Samar, iba pang lugar sa Visayas,” kuwento ni Nelson.

No work no pay. Wala silang sahod sa isang buwan ng ECQ. “Hindi pa po humaharap sa amin ang contractor namin,” sabi pa ni Nelson. “Pero nagpunta na po ang DOLE (Department of Labor and Employment) dito sa amin.”

Huli raw silang nagpadala ng pera sa probinsiya noong Marso 16 pa. Iyon ang unang araw na opisyal na ipinatupad ang ECQ sa buong Kamaynilaan.

“Kung alam lang naming ganito ang sasapitin namin – na hindi magtutuloy ang trabaho, e di sana nakipagsapalaran na kami na umuwi na lang sa probinsiya noong mga araw bago ang lockdown,” kuwento pa niya. Kung ginawa nila iyon, kasama sana sila sa daan-daanlibong tao na nabalitang nakipagsiksikan para makasakay pauwing probinsiya bago ang lockdown.

Kailangang umuwi

Sa ngayon, gusto nilang umuwi na muna. Di bale nang walang makain.

“May makakain naman kami dun (sa probinsiya). Panahon ng anihan ngayon. Puwede kaming tumulong dun,” sabi ng isang kasama ni Nelson (di-nagpakilala). Hindi rin nila alintana ang pera, naintindihan naman sila ng kanilang mga kaanak. Ang problema, paao sila babalik sa trabaho? “Iyun ang hindi namin masiguro. Kung kukunin ulit kami, bakit hindi. Pero talagang hindi na kami tatagal sa ganitong sitwasyon. Di ba, ang sabi, ie-extend pa ang lockdwn na naman?”

Panawagan nila, sa kagyat, ang kagamitang panlinis: sabong panligo at panlaba. Wala silang pera, dahil walang trabaho. Pero gusto talaga nilang makauwi sa kanilang mga pamilya sa probinsiya. “Sana, kahit hanggang Matnog (Sorsogon) lang, ihatid kami. O kung saan pa, tulad ng taga-Mindoro. Basta makaabot sa sakayan patungong probinsiya, kami na bahala dumiskarte pagdating doon,” ani Nelson.

Pero tila wala pang nakakarinig sa kanila ngayon.

Sila ang mukha ng mga hindi nabiyayan at hindi mabibiyayaan ng ayuda sa panahon ng lockdown. Sila ang bulnerable sa sakit, sila ang tahasang napag-iiwanan ng administrasyong “may malasakit” at “nakikipagbayanihan”.


‘May nangyari’ sa Villa Lois

$
0
0

Hindi matandaan ng mga kasamahan niya kung ano’ng eksaktong oras, pero mga alas-otso o alas-nuwebe raw ng gabi ng Hulyo 25 iyon. Tumawag si Malou, residente ng Villa Lois housing project sa Pandi, Bulacan at isa sa mga lokal na lider ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) doon, sa mga kapwa niya lider.

“Pumunta si sir Espiritu. May dalang listing,” sabi umano ni Malou sa kanyang mga kasamahan sa Kadamay-Pandi. Tatlong pangalan daw ang nandoon: Eduardo, Arlene at Rosalita/Rose (itinago na namin ang apelyido nila). Gusto raw kausapin ng mga pulis.

Si Espiritu (hindi nila nakuha ang unang pangalan) ay isa raw sa mga pulis ng Pandi Police Station. Pinuntahan niya ang bahay ni Malou, kasama ang dalawa pang pulis. Ayon kay Malou, hiniling daw sa kanya ni Espiritu na magpatawag daw ng miting — noong gabi mismong iyon — para makausap ng pulis ang mga kapwa-lider ng Kadamay. (Hindi independiyenteng makuha ng Pinoy Weekly ang buong ngalan o pagkatao ni Espiritu.)

Ang kuwento ni Malou, sinagot niya si sir Espiritu. “Kayo na lang, sir. Tutal, may address naman kayo (nila),” aniya. “Di po ako nagpapamiting ng gabi.”

Isa sa mga nabahala si Rosalita “Rose” Fortaleza. Maralitang dating walang bahay na sumama sa pag-okupa ng Kadamay sa tiwangwang na mga pabahay sa Pandi, isa sa mga lider ngayon ng grupo si Rose. Mataas ang presyon niya. Hindi niya alam kung ano ang pakay sa kanya ng mga pulis.

Bago mag-alas-diyes, kuwento ng kanyang anak na si Roc-roc (22, palayaw lang), dumating ang mga pulis sa kanilang bahay. “Tao po,” sabi raw ng mga ito.

Naggugupit daw ng mga lumang print issues ng Pinoy Weekly si Rose. Kadalasang para sa maralita, kapag luma na ang diyaryo o magasin, kalakal na ito. Proyektong livelihood daw nila Rose ang gumawa ng mga handicraft tulad ng basket gawa sa papel. Dahil may natirang lumang mga isyu ng magasin, naisip ni Rose na gawin na lang itong handicraft.

Isang miyembro ng Kadamay-Pandi sa opisina nito sa Villa Lois ang nagsasalansan ng mga kopya ng PW na para sa mga residente roon. Kuha noong Setyembre 14, 2019. Ilang araw ito matapos mabalita ang panununog ng mga magasin ng Pinoy Weekly sa hiwalay na okupadong housing project na Altantica, sa Pandi rin. Ayon sa mga saksi, mga miyembro ng grupong “Pro-Government”, kasama ng mga pulis, ang nagsagawa ng panununog. PW File Photo

* * *

“Hindi na namin alam ano nangyari pagdating ng pulis kina Rose,” kuwento sa Pinoy Weekly ni Lea Maralit, isa rin sa mga lider ng Kadamay doon. Madaling araw, mga alas-singko raw ng umaga, nabalitaan na lang niya sa text na kinuha raw ng pulis si Rose.

“May isang jeep na dumating noong gabi. Sakay, mga manggagawa. Galing Navotas, o Novaliches, di ko matandaan. Papauwi sa Villa Lois. Hinarang ng pulis, at gustong pabalikin sa pinanggalingan,” ani Lea. Naggiit ang mga manggagawa, pati ang mga asawa nila, na residente sila ng lugar. Pinayagan din daw ng mga pulis na bumaba sa jeep. Pero pinabalik ang jeep sa pinanggalingan.

“Iyung ilan sa mga nasa jeep, nagkuwento sa amin. Nakita nila si Rose sa health center ng barangay. Kasama ang pulis. Tumaas kasi ang presyon,” aniya pa. Pagkatapos noon, ang palagay na lang nila, dinala na sa estasyon ng pulis sa Pandi si Rose, pati ang anak na si Roc-roc.

Agad na kinontak ni Lea ang mga kapwa lider ng Kadamay sa Pandi. Magtipon daw sila sa opisina sa Villa Lois. “Balak sana naming sundan kung nasaan si Rose,” kuwento niya. Pero noong umaga ring iyon, may nakapagsabi na sa kanya na may dumating na mga pulis sa kanilang opisina.

“Model house” ng housing project na Villa Lois ang ginawang opisina ng Kadamay noong nag-okupa sila rito, taong 2017. Sa harap noon, dumating ang mga pulis. “Sa tanda ko, tatlong sasakyan ng pulis ang dumating,” sabi ni Selene, miyembro ng Kadamay at paralegal volunteer sa lugar. “Mga walong pulis sila.”

Pinangungunahan ang mga pulis ni PCpt. Jun Alejandrino, hepe ng Pandi Police Station. Sinalubong na siya ng mga lider ng Kadamay doon: sina Malou, Lea, Beth at Selene.

“Sabi nila, gusto raw nilang kunin ang mga polyeto,” ani Lea. Pinatutungkulan ang mga kopya ng Pinoy Weekly, na nasa opisina ng Kadamay-Pandi. HIndi na maalala ni Lea kung ilang bundles ang nasa opisina nila. Pero batay sa mga larawan na kinuha nila, di-bababa sa siyam na bundles ng Pinoy Weekly ang nandoon. Limandaang kopya ang isang bundle nito.

Siyempre, kuwento pa ni Lea, tumanggi silang ibigay ito. “Hindi po namin ibibigay iyan. Pag-aari po iyan ng Pinoy Weekly,” sabi niya. (Bilang bulk subscribers ng Pinoy Weekly, pag-aari na talaga ng komunidad ang ibinigay na mga kopyang ito ng magasin.) “Di namin iyan isu-surrender.”

Larawan mula sa Kadamay-Pandi

* * *

Habang kausap ng apat si Alejandrino, dumarami na umano ang lumalapit na tao. May mga sumasabat na sa usapan: “Gagawin naming pang-livelihood iyan,” sabi raw ng isa, tinutukoy ang ginagawa nga ni Rose na paggawa ng papel na basket mula sa ginupit-gupit na lumang magasin.

“Nangbe-brainwash iyan,” sabi umano ni Alejandrino (kuwento ni Lea), sabay-turo sa magasin. “Isurrender n’yo na at baka may mangyari.”

Pero naggiit sina Lea. Hindi talaga raw nila maaaring ibigay ang mga magasin. Kung anu-anong dahilan na ang binigay nila: pangkabuhayan ito, hindi kanila ito, kailangan pa raw nila ikonsulta sa Kadamay-National ang pag-surrender sa mga magasin. “Hindi po kami (silang apat) makakapagdesisyon kasi organisasyon kami,” sabi raw ni Lea sa hepe.

Pero ramdam niya, umiinit na ang ulo ni Alejandrino. “Tinatago n’yo yang mga polyeto,” sabi raw ng hepe. “Maayos naman akong nakikipag-usap. Papalitan namin (ng ibang babasahin), huwag lang iyan (Pinoy Weekly).”

Sabi pa ni Lea, tila nag-iiba na ang tono ng pananalita ni hepe. Nauubusan na ng pasensiya. “Sige, bahala kayo kapag hindi ninyo iyan sinurrender,” sabi umano ni Alejandrino. Tinalikuran na raw sila ng hepe.

Natigilan daw siya rito. Nagtinginan silang mga lider. Nandoon na rin si Roc-roc. “Mukha ng takot na si Roc-roc,” ani Lea. Naisip na niya: kawawa ang bata, nag-aalala sa nanay niya. Naisip na niya na kung nagawa nga ang pag-aresto kay Rose nang walang kaso at walang mandamyento de aresto, baka gawin din sa kanila ito kapag nagmatigas sila.

“Kung gusto po ninyong kunin, kunin ninyo. Pero hindi namin iyan isusurrender,” sabi umano ni Lea kay Alejandrino. “Kayo po bahala na kumuha.” Saka kinuha na ng mga tauhan ni Alejandrino ang mga magasin. Nakabalot pa ang marami rito, hindi pa nabubuksan. Iba-ibang isyu: mga nagdaang isyu ang karamihan.

Nagsulat umano si Alejandrino sa yellow pad. Ang sabi rito, boluntaryo raw nilang isinusuko ang mga magasin, o, ayon dito’y “large number of subversive documents” sa Pandi Municipal Police Station, alas-12:06 ng hapon sa “model house” ng Villa Lois. Pirmado nina Lea, at ni Alejandrino, siyempre.

"Walang

Walang suot na face mask ang isa sa mga pulis na kumuha ng mga kopya ng Pinoy Weekly. Larawan mula sa Kadamay-Pandi

* * *

Sa isang pahayag, sinabi ni Central Luzon regional police director Brig. Gen. Rhodel Sermonia na boluntaryo nga raw na isinuko nina Lea, kasama ang iba pang miyembro ng Kadamay, ang libu-libong kopya ng magasin.

“PBGen. Sermonia also said Maralit revealed to authorities about her fear that the subversive documents might be used during the SONA (State of the Nation Address) of President Rodrigo R Duterte,” ayon sa pahayag ng PRO-3 Public Information Office.

Sa mga interbyu ng midya kay Alejandrino, sinabi umano niyang may hinuli silang mag-inang lumalabag daw sa health protocols (sina Rose ito at Roc-roc). May hawak na mga kopya ng magasin ang dalawa. Itinuro ng mga ito ang opisina ng Kadamay, at saka dun nakausap sina Lea. Sina Lea naman daw, boluntaryong isinuko ang mga magasin dahil natatakot na magamit ang mga ito sa mga protesta sa SONA.

Pero sa mga larawan at bidyong nakuhanan ng mga residente at miyembro ng Kadamay, makikitang nakipagtalo nga sina Lea sa mga pulis. Makikitang ang isa sa mga pulis, hindi maayos na nakasuot ng face mask — ang mismong paglabag ng health protocols na inaakusa ng mga pulis kina Rose.

Itinatanggi nina Lea na “sinurrender” nila ang mga magasin. “May banta na talaga sa amin,” sabi niya, sa panayam ng Pinoy Weekly. Ganoon din ang kuwento ng iba pang saksi. Hinuli ng mga pulis si Rose noong gabi. Hindi malayong damputin at ikulong din sila. “Nasa isip ko, kung hindi namin isusurrender ang mga Pinoy Weekly, baka kami ang ipalabas na surrenderee?” ani Lea. Marami na kasing residente ng mga okupadong pabahay ang puwersahang “pinasusuko” ng PNP at mga militar: Pinalalabas na “surrenderee” ng rebeldeng New People’s Army.

May hayagang banta na rin: Kung hindi nila isusuko ang mga magasin, “may mangyayari”.

Samantala, matapos pumutok sa social media at sa balita ng iba’t ibang media outfits ang balita ng insidente, nagkomento na rin ang mismong hepe ng Philippine National Police, si Hen. Archie Gamboa. Aniya, kung may mga paglabag nga ang mga pulis, pormal sanang ireklamo ito ng Pinoy Weekly at/o mga miyembro ng Kadamay.

* * *

Ibinalita ng iba’t ibang midya ang insidente, at sinipi ang opisyal na pahayag ng Pinoy Weekly na “labag sa karapatan sa pamamahayag” ang nagawang “raid” sa opisina ng Kadamay sa Villa Lois. Pati si Justice Sec. Menardo Guevarra, tinanong ng midya, kung legal pa ang pagkuha ng mga pulis ng mga magasin.

“Kung ang mga nilalaman (ng magasin) ay naghihikayat sa mga mamamayan na mag-armas laban sa nararapat-sa-konstitusyon (duly constituted) na mga awtoridad, maaaring kunin ng mga pulis ang mga materyales bilang bahagi ng pag-uusig para sa krimen na inciting to sedition. Pero kung hindi naman, kung nagpapahayag lang ito ng posisyon hinggil sa mga isyung pampubliko, tulad ng tinding laban sa ATA (Anti-Terrorism Act), nakasulat man sa plakard o mga istrimer, maituturing itong naayon-sa-batas na pag-eehersisyo ng kalayaan sa pamamahayag o pagpapahayag na pinoprotektahan ng Saligang Batas,” sabi ni Guevarra (isinalin ng Pinoy Weekly mula sa wikang Ingles).

Para sa Pinoy Weekly, walang artikulo o nilalaman sa naturang magasin na maituturing na paghihikayat sa mga mamamayan na armadong mag-aklas. Nilalaman ng mga pahina nito’y iba’t ibang impormasyon, analisis, opinyon o istorya na nakaayon sa mga istandard ng pamamahayag.

"Isa

* * *

Samantala, plano pa rin sana nina Lea na lumahok sa protesta sa Unibersidad ng Pilipinas-Diliman sa Quezon City, kaalinsabay sa SONA ni Pangulong Duterte noong umaga ng Hulyo 27. Pero noong umagang iyon, naging abala na siya sa maraming bagay. “KInausap ako ng 7th Infantry Battalion (ng Philippine Army),” ani Lea. Mga alas-otso pasado raw iyun. “Inaalam daw nila yung mga pangyayari.”

Pati raw ang isang kinatawan ng Department of Social Welfare and Development, kumausap din sa kanya. Pero dahil balisa na sila mula sa nakaraang insidente, nagdagdag lang ito sa pag-aalalang iniisip na nila.

Noong araw ding iyon, tumawag raw kay Lea si Alejandrino. “Samahan ko raw sila sa Region 3 (Police Regional Office 3, sa Pampanga),” kuwento niya. “HIndi po ako sasama,” sabi niya sa hepe. Kung hindi nga siya makakapunta sa protesta sa SONA, lalo pang hindi siya makakasama sa mga pulis. Noong araw na iyon, nagsagawa ng press conference ang PRO-3 kaugnay ng insidente. Ang hula na lang ni Lea, pagsasalitain siya dun ng mga pulis. Pinanindigan niyang hindi siya makakasama.

“Sa totoo lang, hindi talaga maganda ang nangyayari dito sa lugar namin. Hindi maiiwasang matakot. Pero magpapatuloy pa rin kami,” pagtatapos ni Lea.


Ipinakiusap ng ilan sa mga nakapanayam na mga residente at lider ng Kadamay sa Pandi at Villa Lois na huwag nang ilathala ang kanilang buong ngalan para sa kanilang seguridad.

Basahin ang nakaraang mga pangyayari: Tangkang pagbuwag sa pagkakaisa sa Pandi

Pandi 4: Pati online protest, bawal na?

$
0
0

Hindi nakadalo sa SONAgkaisa, protesta sa UP Diliman noong Hulyo 27, sa ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Duterte, ang magkakapitbahay na sina Net, Trixie, Malou at Maymay, mga miyembro ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) at residente ng isang pabahay sa Pandi, Bulacan. Bukod sa walang pamasahe, mahirap din bumiyahe dahil kailangan pa ng travel permit upang makaluwas sa Maynila alinsunod sa mga patakaran kaugnay ng umiiral na community quarantine.

Upang makiisa sa nagaganap na protesta, nagsagawa na lang ang magkakapitbahay ng online protest. Hawak ang mga plakard na may panawagan para sa karapatan ng tulad nilang mga maralita – mass testing, ayuda, at pagtutol sa Anti-Terrorism Act, ipinaskil ang litrato ng kanilang protesta sa Facebook bago magtanghali.

Laking gulat nila nang sila’y arestuhin ng mga tauhan ng Pandi Police Station, ilang oras matapos “lumahok” sa naturang online protest. Kasunod ang naganap na pag-aresto ng pagkulong kay Rose Fortaleza, lider ng Kadamay sa nasabing lugar, noong Hulyo 26, isang araw bago ang SONA.

Naaktuhang nagrarali

Apat na kababaihang inaresto ng pulisya sa Pandi, Bulacan matapos magsagawa ng online protest. Larawan mula sa Kadamay

“Ang sabi lang sa kanila’y iimbitahin sila para mag-usap sa presinto,” ani Larry Cinco, asawa ni Janet Villamar, isa sa apat na inaresto ng mga kagawad ng PNP sa Pandi bunsod ng online protest sa loob ng isang bahay noong Hulyo 27. Kasama ni Janet sina April Tricia Musa, Marilou Amaro, at Edmylyn Gruta, tinaguriang Pandi 4, na ayon kay Larry ay pilit na isinakay sa sasakyan ng pulis.

Sabi sa police report hinggil sa insidente, naaktuhan diumano ng mga nagpapatrulyang pulis na nagsasagawa ng rali ang nasabing mga kasapi ng Kadamay bandang alas-tres ng hapon. Dagdag pa ng naturang report, “pumalag at itinulak ang mga pulis” ng mga naturang kasapi ng Kadamay nang wala umanong maipakitang permit para magprotesta matapos silang sitahin.

Pero taliwas sa naturang police report ang bersiyon ng kuwento ng Kadamay.

“Wala po iyang katotohanan at kinokondena namin ang pahayag na iyan (ng kapulisan) dahil 11:00 am sila nag-photo-ops, 3:00 pm sila pinuntahan. Si April Trixie, naglalaba na sa loob ng kanilang bahay. Si Janet ay nagpapahinga na,” ani Eufemia Doringo, tagapagsalita ng Kadamay, sa panayam ng Rappler noong Hulyo 29.

Paglabag sa Republic Act 11332 o ang Mandatory Reporting of Notifiable Diseases at Batas Pambansa Blg. 880 o ang Public Assembly Act of 1985 ang ikinaso ng Pulis Pandi sa apat na kasapi ng Kadamay na isinampa lamang matapos ng 24 oras ng pagkakakulong.

Pilit na pinapirma

Ibinahagi ng Kadamay na diumano’y pilit na pinapirma ang apat ng isang form na “boluntaryong isinusuko ang kanilang karapatan sa ilalim ng Article 125 ng Revised Penal Code” o ang pagtatalaga ng restriksiyon sa kung gaano katagal na maaaring ikulong nang walang nakasampang kaso sa isang indibidwal na nakakulong. Hindi rin umano pinahintulutan ng pulis na makausap ng apat ang sinuman, maging ang kanilang mga kaanak.

Ibinunyag din ng Kadamay na itinutulak ng kapulisan na magsampa ng kasong trespassing si Rosario Ricacho laban sa kanyang mismong manugang na si Edmylyn Gruta kaugnay ng naturang insidente.

“Sinabi sa akin ni hepe, kung maaari, magsampa ako ng kaso dahil trespassing ang ginawa sa bahay ko. Ngayon, kung hindi daw po ako magsasampa, ako nga daw po ang makakasuhan,” ani ni Ricacho sa panayam ng AlterMidya. Saad pa ni Ricacho, wala siyang magawa kundi sundin ang nais ng mga pulis sa takot na makulong ang kanyang manugang sa isang banda, o siya ang makasuhan o makulong.

Tila kahalintulad ang mga paratang na pamimilit at pressure ng kapulisan sa isa pang insidente na kinasangkutan ng mga kagawad ng Pulis sa lugar noong Hulyo 26 kaugnay ng kumpiskayon ng mga kopya ng Pinoy Weekly sa opisina ng naturang organisasyon.

Ayon kay Lea Maralit, opisyal ng Kadamay sa lugar, pinilit din siyang pumirma sa inihandang kasulatan ng mga pulis na nagsasaad na “voluntary surrender of subversive documents” na tumutukoy sa naturang dyaryo at mga polyeto ng kanilang organisasyon. Aniya, binantaan umano sila ni PCPT Jun Alejandrino, hepe ng istasyon ng Pulis sa Pandi, na kung hindi pipirma ay “may mangyayari.”

#FreePandi4

Bumuhos ang suporta sa panawagang #FreePandi4. Sa pangunguna ng Kadamay, Mayo Uno, Gabriela, Anakbayan at iba pang mga alyadong nitong organisasyon mula sa Pilipinas, Australia, Canada, Hong Kong, South Korea, Pakistan, Taiwan, Thailand at USA.

“Ang mga pinakahuling atake sa Pandi ay bahagi ng ginagawa ng gobyerno upang supilin ang paglaban,” saad ng pahayag ng International League of Peoples’ Struggle-Philippines na inako ang Kadamay bilang kanilang kasaping organisasyon.

Para naman sa Task Force on Urban Conscientization ng Association of Major Religious Superiors of the Philippines (TFUC-AMRSP), ang pag-aresto sa Pandi 4 ay pagpapatahimik umano sa mga anila’y “tunay na nakaramdam na inutil ang pamahalaang ito”.

“Nagpakita lang na gigil ang mga kapulisan sa mapangahas na pagsasambulat ng di makatarungang kalagayan ng hanay ng maralitang lungsod na di kayang tanggapin ng ating pamahalaan, lalo na ang mga pahayag na kritikal sa kanilang pamamahala.,” dagdag pa ng grupo.

Kawalan ng Katuparan

$
0
0

Ang Manila Bay: Reclaiming Lives ay serye ng imbestigatibo, naratibo at in-depth na mga ulat hinggil sa mga buhay at pakikibaka ng mga komunidad at mamamayang apektado ng malawakang reklamasyon sa kahabaan ng baybayin ng Manila Bay sa ilalim ng programang pang-imprastraktura na Build Build Build ng rehimeng Duterte.

Mapa ng Vitas, Tondo at Manila Bay Iklik para lumaki

“Ito na talaga? Yung right of way?”

Bungad agad ito ni Pablito Abejero ng Urban Settlements Office (USO) ng lokal na pamahalaan ng Lungsod ng Maynila, pagkahawak niya ng mikropono noong Setyembre 16. Tinuturo niya ang pagitan ng Building 12 at 13. Tumbok nito ang tinatayo pa lang na New Manila Cockpit Arena. Kaharap ni Abejero ang mga residente ng naturang dalawang bilding sa Katuparang Housing Project sa Vitas, Tondo, Manila. Mahigit isang oras na silang naghihintay sa labas, sinisikap mag-social distancing, nakasuot ng mga mask, sa labas ng tahanan nila.

Natawa ang ilang residente sa bungad ng taga-City Hall. “Huh, walang galang talaga,” bulong ng isang residente sa katabi niya. “Nagtuturo na,” sabi ng isa.

Pinaliliwanag noon ni Abejero at mga kasamahan niya sa USO at Engineering and Public Works Department ng Manila LGU kung bakit kailangan daw idemolis ang nabanggit na dalawang bilding. Gagawa raw ng kalsada mula sa Radial Road-10 (R-10) papasok. “Pakikinabangan naman ito ng mga tao riyan (turo sa kaliwa) at riyan (turo sa kanan),” aniya. Pero ang mga residente ng dalawang bilding, kailangang lumikas.

Ang right of way, hindi para sa sabungan na tumbok ng dalawang bilding, kundi para raw sa itatayong Tondominium 1 at 2 na malapit sa naturang sabungan. Ang Tondomonium ay dalawang 15-palapag na “condominium” sa Tondo. Pangako raw ni Manila Mayor Francisco Isko Moreno Domagoso na sa mismong condo na iyun ililipat ang mga residente ng Buildings 12 at 13. Bago niya ito pinangako, pinangakuan din niyang ililipat sa naturang condo ang mga residenteng nakatira sa mga rooftop ng 27 bilding ng Katuparan.

“Huwag kayong mag-alala, kayang kaya ninyo iyan,” sabi raw ni Moreno, sa ilang diyalogo sa mga lider ng mga pabahay.

Pero sa diyalogo nina Abejero sa mga residente, hindi niya masagot kung “kakayanin ba (nila) ang bayad” sa pagtira sa isang condominium na may 15 palapag — ibig sabihi’y tiyak na kailangan ng serbisyo ng elevator. Inamin niyang sasakupin ng komersiyal na renters — mga negosyo, tulad ng mga restawran at groserya — ang unang mga palapag ng Tondominium. “Para may bumalik (na income) naman sa City Hall,” sabi pa ni Abejero.
Pero mahirap maniwala ang mga residente sa binibitawang mga pangako at pahayag ng City Hall. Isang sulyap lang sa Buildings 12 at 13 — sa buong Katuparan Housing mismo — batid nang hindi kakayanin ng mga residente ang pagbayad ng hulugan sa isang condominium. Dekada na ang nagdaan, kung mayroon man, mula nang huling magsagawa ng renobasyon ng Katuparan.

Marami sa mga residente, galing din sa iba’t ibang lugar sa Kamaynilaan — dinemolis sa ibang lugar, nilipat sa Katuparan na housing project ng National Housing Authority (NHA) noong panahon ni Pang. Corazon Aquino. Mga manggagawa sa piyer at iba pang lugar, mga mala-manggagawa na walang permanenteng trabaho, mga tindero, mga walang trabaho ang marami sa mga residente rito.

Sa nasabing diyalogo, marami ring matatanda — mga senior citizen na naunang mga residente ng Katuparan. Ang plano ba talaga, patirahin sila sa matataas na palapag ng Tondominium?

Construction ng Tondominium, sa harap ng hilera ng mga bilding ng Katuparan. KR Guda

* * *

Agosto 1991 pa kami nalipat dito (sa Katuparan),” sabi ni Lola Sabel, 84.

Bago nito, taga-Butuan City sila. Nang mamatay ang asawa niya, dala na niya ang mga anak pa-Maynila. Ilang taon din daw silang tumira sa barung-barong sa may Pier South Harbor 17. Pero noong 1991 nga dinemolis ang bahay nila. “Pinaalis kami kasi aayusin daw noon ang piyer.”

Sa Building 13, ikaapat na palapag siya nakatira. “Binase nila sa edad (ang bayad) — P300 plus ang monthly (bayaran). Binayaran ko naman. Nagtitinda lang kami sa piyer. (Edad) 54 ako noon,” sabi pa ni Lola Sabel. Hayskul na ang mga anak niya noon, kaya pinagpatuloy lang niya ang pagtitinda sa piyer. “Palipat-lipat (kami sa pagtinda). Kasi may pulis na humahabol sa amin. Pero nagsisikap pa rin, para mabuhay,” aniya.

Sa Katuparan na lumaki ang mga anak niya. Lumipat na ng tirahan ang mga ito — sa ibang mga bilding sa Katuparan din, nagrerenta ng ibang mga yunit. Apo lang ang kasama niya. “Ang bali-balita rito, aalisin daw kami rito ngayon. May right of way, papasok sa negosyo nila,” ani Lola Sabel.

“Mahirap namang aalisin kami na walang siguradong paglilipatan. Kaya pinaglalaban namin itong kinalalagyan (namin). Kasi tao sila, tao rin kami. Ganun lang ang buhay. Hindi iyung ihahagis lang kami (sa) kung saan-saan,” aniya. “Matanda na ako pero nangarap pa rin akong mabuhay.”

* * *

Sa Pier 16 naman nagtatrabaho si Aling Agnes, 61, bago sila itinaon sa Katuparan. “Pagdemolis sa amin sa piyer (noong 1991), binigyan lang kami ng anim na latang sardinas na kinakalawang na, dalawang kilong bigas na NFA na di na puwede makain,” aniya.

Aling Agnes. KR Guda

Sa loob sila ng pader ng piyer nakatira sila noon. Kung saan-saan natapon ang mahigit isanlibong katao. Pero mga “200 o 300” silang napunta sa Katuparan. Sa pagtagal ng panahon, lumaki ang pamilya ng mga residente, kinailangang mag-ekstend ng ilang yunit. Ang iba, gumawa ng ekstensiyon sa daanan ng mga yunit. Ang iba, gumawa ng mga istruktura sa rooftop ng mga bilding para doon tumira.

Si Victoria Reyta, 36, ang isa sa mga nakatira sa mga rooftop ng Katuparan. Lumipat siya roon matapos magkapamilya. Nakatira pa rin ang nanay niya sa orihinal na yunit na pinaglipatan nila mula nang mademolis din sa piyer noong 1991. Anim na taong gulang pa lang siya noon. “Maganda pa noon, wala pang mga extension. Di tulad ngayon, magulo na, pangit nang tignan,” aniya.

Pero ang sabi ni Victoria, matibay pa ang mga pader ng mga bilding. Makapal ang semento, hindi tulad ng bagong relocation sites ng NHA. “Kapag pinupukpok mo (ang pader, ng pako at martilyo), mahihirapan ka,” aniya. Iyun lang, aniya, hindi na kaaya-aya ang hitsura dahil sa mga extension at kawalan ng renobasyon.

Matagal nang pinaglalaban ng mga residente sa Katuparan, sa pangunguna ng Alyansa ng mga Residente sa Katuparan (ARK), ang pagpapaayos sa mga bilding, kabilang ang nabubulok nang mga hagdan. Noong 2019, sa badyet ng NHA, may inilaan nang P19.5 Milyon para sa “Repair Works of 12 Medium Rise Buildings of Vitas Katuparan Condominium, Vitas, Tondo Manila”, ayon sa NHA Annual Procurement Plan for CY 2019.

Pero sa pagkakaalam ng mga residente, walang renobasyon na naganap. Sa kabila nito, noong taon ding iyon, inanunsiyo ng Department of Public Works and Highways na “condemned” o hindi na raw ligtas para tirhan ang mga bilidng ng Katuparan. Ngayong taon, inayunan na rin ito ng Manila City Hall.

“Kaya nagtataka kami, nasaan na yung P19-M (para sa renobasyon)?” ani Victoria. Ang hinala nila, hindi na tinuloy ang renobasyon kasi itutulak na talaga nila ang plano na idemolis ang Katuparan.

Lola Sabel. KR Guda

* * *

Hindi kaiba ang Katuparan sa mga komunidad ng mga maralita sa Kamaynilaan na matindi ang dinanas na paghihirap dahil sa mga lockdown bunsod ng pandemyang coronavirus disease 2019 (Covid-19).

Marami ang nawalan ng kabuhayan, at nahirapan pang ipatupad ang mga protokol dahil sa dikit-dikit na mga tirahan. Mahirap ding magmantine ng kalinisan, kahit may mga hakbang naman ang barangay para sa disinfection ng mga pampublikong lugar. At siyempre, dahil walang libreng mass testing (maliban sa minsang rapid-testing na iniutos ni Mayor Moreno noong Mayo), hindi rin masiguro ng barangay kung gaano kalaganap ang pagkalat ng Covid-19 sa mga residente.

Pero sa kabila ng pandemya, at ng krisis sa kabuhayan ng mga residente, ginulat na lang sila ng isang Demolition Order mula sa Engineering and Public Works Department ng Lungsod ng Manila noong Setyembre 1.

Sa order na ito, pinaaalis ang mga residente ng Building 12 at 13 sa loob ng 15 araw. Noong araw na iyun na dumating sina Abejero at iba pa noong Setyembre 16, iyun ang ika-15 araw ng Demolition Order.

Sa diyalogo, hiniling ni Abejero sa mga residente na payagan na silang magsagawa ng “tagging” ng mga bahay — para raw malaman na nila kung sinu-sino ang aktuwal na mga ililipat sa Tondominium. Pero sa kabila nito, malinaw kung sa unang tingin sa lugar kung saan ginagawa ang naturang condo: nagsisimula pa lang ang konstruksiyon.

“Malinaw ang pangako ni Yorme (Mayor Moreno): Walang paaalisin hangga’t walang lilipatan,” sabi ni Abejero. Pumalakpak ang mga residente. Pero nang magtanong ang isang residente kung maaaring makakuha ng nakasulat na pangako — sa porma, halimbawa, ng isang memorandum — hindi makapagkomit ang opisyal ng City Hall.

“Ano ang assurance ninyo (na mga residente) ang ililipat diyan? Kasi 15 floors iyan. High-rise iyan. May elevator. Hindi namin kaya ang mahal na upa. Hindi po kami nakakabangon. Nasa gitna tayo ng pandemic,” sabi ng isang residenteng hindi nagpakilala.

Ang gusto lang daw nilang makita, kung ano ang kongkretong plano ng City Hall: Kung saan sila ililipat, anong bahagi ng Tondominium sila ililipat, magkano ang babayarang upa, kailan matatapos ang konstruksiyon, at iba pa. Hindi ito masagot ng mga opisyal.

“Ayaw po namin ng laway-laway lang. Ang gusto naming makita: Paano kami yayakapin ng lungsod ng Maynila?” ayon sa nasabing residente. Hindi buong masagot ito ni Abejero. Basta pagkatapos na pagkatapos noon, saka sila ililipat. Pero bakit may Demolition Order? Bakit agaran silang palalayasin, habang matagal pa bago matapos ang Tondominium? Hindi sila masagot.

Ang 19-palapag na planong pabahay diumano ng NHA na itatayo mismo sa kinatatayuan ngayon ng Katuparan.

* * *

Lalong nakakadagdag sa pagduda ng mga residente ang mga pahayag ng NHA sa mga pagdinig sa Kamara kaugnay ng 2021 badyet nito.

Noong Setyembre 10, sa budget hearing para sa bagong-tatag na Department of Human Settlement nad Urban Development (DHSUD) para sa 2021 badyet nito, sinabi ng NHA na may plano itong pagtatayo ng tatlong medium-rise buildings (19-palapag) sa mismong lugar ng Katuparan. Magsisimula umano sa 2021 ang konstruksiyon. May dalawang phase o yugto ang proyekto.

Patuloy na nilalabanan ng mga residente ang pagdemolis sa kanilang tahanan. KR Guda

Aabot sa P1.25 Bilyon ang badyet para sa naturang proyekto, na may 700 yunit. Aabot daw sa 240 ang residential units, 10 ang yunit para sa persons with disabilities (PWD), at 47 ang para sa pagpapaupahan bilang komersiyal na mga yunit. Wala pa ring kalinawan kung pabahay ba talaga ito para sa mga maralita — o mistulang komersiyal na pabahay o istilong kondominyum.

Itinatanggi ng City Hall at ng NHA na koordinado ang kanilang plano: ang Demolition Order ng City Hall sa mga residente ng Buildings 12 at 13 (at sa mga nakatira sa rooftops) sa isang banda; at ang planong 19-palapag na bilding ng NHA, sa kabila. Hindi kumbinsido ang mga residente na walang kinalaman ang isa’t isa at nagkataon lang na noong hinihingan na ng pondo ng NHA sa Kamara ang kanilang P1.25-B pondo, bigla namang palalayasin ng City Hall ang mga residente ng dalawang bilding.

Matatandaang ipinangako pa ni Pangulong Duterte na wala raw magaganap na demolisyon habang may pandemya. Naglabas pa ng Memorandum Circular No. 2020-068 ang Department of Interior and Local Government (DILG) na pumipigil muna sa mga demolisyon at pagpapalayas sa mga maralita habang may enhanced community quarantine at may State of National Emergency. Nakasaad din sa Article 28 ng Republic Act. No. 7279 o Urban Development and Housing Act na kailangang magtakda ng tiyak na lilipatan ang mga maralita na mawawalan ng tirahan.

Pero sa kabila nito, nagpatuloy ang ilang demolisyon sa Kamaynilaan. Sa Pasay City noong Marso, nademolis ang kabahayan ng 300 pamilya sa New Era Compound sa Brgy. 137 Zone 15. Noong Abril, dinemolis naman ang kabahayan ng 78 pamilya sa Brgy. 432 sa Lungsod ng Maynila. May iba pang kaso ng demolisyon sa panahon ng pandemya.

Sa nabanggit na diyalogo, sinabi ni Abejero na kung ayaw talaga ng mga residente ng Building 12 at 13 na magpademolis, wala silang magagawa. Maghahanap na lang daw sila ng ibang right of way patungo sa ginagawang Tondominium at sa sabungan. Palakpakan muli ang mga tao. Pero naniguro ang isa pang residente at nagtanong: “Tama po ba ang dinig namin, na walang demolisyon kung ayaw namin (umalis)?” Napa-oo si Abejero. Ayun naman pala. Palakpakan muli ang mga residente.

Pero hindi pa rin kampante sina Lola Sabel, Aling Agnes, Victoria, ang ARK at ang libu-libong residente ng Katuparan na matutupad ang mga pangako ng gobyerno. “Nakapaglabas nga sila ng Demolition Order ngayong panahon ng pandemya, p’wede nilang ipatupad ‘yun sa kabila ng mga pangako,” sabi ng isa pang tumangging magpakilala. “Nagtayo sila ng Tondominium, ng sabungan. Nakapagbuo ng planong pabahay na hindi kami kinokonsulta. Nagagawa nilang magtapon lang ng maralita sa kung saan-saan, lalo na kung hindi lumalaban.”

Samantala, unti-unti nang nagbabago ang kapaligiran sa palibot ng Katuparan at iba pang komunidad ng maralita sa Tondo. Serye ng mga condominium ng Deca Homes ang naitayo malapit dito. Matataas na pader ang nakapalibot sa mga condominium, tila nagtataboy sa sinumang maralitang gustong makalapit. Sa pambansang saklaw, plano ng administrasyong Duterte ang isang business hub sa Tondo, kasabay ng planong artipisyal na mga isla at reclamation projects sa kahabaan ng Manila Bay na magpapalayas sa mga mangingisda sa Coastal Road at karatig na mga komunidad sa Cavite, kasabay ng paliparang Aerotropolis ng San Miguel Corp. na magpapalikas sa mga mangingisda naman ng Bulakan, Bulacan. May buong planong “pangkaunlaran” ang gobyerno rito, at lumalabas na hindi kasama sa uunlad ang mga maralita.

“Kaya kailangang maging mapagmatyag,” pagtatapos ng isang residente ng Katuparan.

Viewing all 58 articles
Browse latest View live


<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>